17/08/2026
Isang nagkakaisang pagbati, Iskolar ng Bayan!
Marahil lingid pa sa kaalaman ng iba ang bagong ibinabang rules and regulations ng CPTED nitong mga nakaraang buwan. Ngunit bilang estudyante ng pamantasan na nagnanais na maging boses ng mga g**o ng bayan, mariin naming kinokondena ang pagkulong sa karapatan ng mga estudyante na maging malaya sa kanilang kasuotan.
Bagama't naiintindihan natin na kailangan ng mga polisiya para sa mas maayos at maginhawang daloy ng panuruan sa loob ng pamantasan, hindi dapat ito magdagdag ng pasakit sa parte ng mga estudyante. Lalong-lalo na sa kung paano nila ipahayag ang kanilang mga sarili.
Parte ng pagkatao ng isang indibidwal, hindi lamang limitado sa estudyante, ang kanilang pananamit, pagdadala ng sarili, o kung paano man nila gustong kilalanin ng ibang tao. Hindi ito bagay na dapat diktahan ng ninoman, sapagkat isang malalim at personal na bagay ang pagpapahayag ng sarili. Kaya naman bilang kanilang kapwa estudyante, naniniwala kami na wala sa kasuotan ang sukatan ng kakayahan at pananagutan ng isang mag-aaral. Kundi nasa kanilang pagpupursiging maging ehemplo at desidido sa larang na tinatahak, kasabay ang kakayahang maging malaya at mapagpahayag.
Muli, mariin ang aming paniniwala na hindi ang pagpigil sa kalayaan ang solusyon sa mas organisadong panuruan. Bagkus, ang mas kailangan ng mga Iskolar ng Bayan, ay isang bukas at malayang pamantasan na kinikilala ang karapatan at pagkatao ng bawat masang estudyante.