30/05/2026
PABLO O. TECSON
Mula sa pananaliksik ni G. Luis Z. Tecson | Nobyembre 2014, Baliwag, Bulacan
Isinilang si Pablo Ocampo Tecson sa bayan ng San Miguel de Mayumo noong 4 Hulyo 1859. Ang kaniyang mga magulang ay sina Tiburcio Tecson na isang mestisong intsik, at Paula Ocampo na isang Kapampangan na tubong Candaba, Pampanga. Si Pablo ang pinakamatanda sa apat na magkakapatid (Simon, na ipinanganak noong 1861; Mariano na ipinanganak noong 1863; at ang tanging kapatid na babae at bunso na si Julia Tecson-David).
Nagsimulang mag-aral si Pablo sa ilalim ng Maestrong si Don Jose Flores, kilalang g**o ng San Miguel de Mayumo. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa San Juan de Letran at nagpatuloy sa Unibersidad ng Santo Tomas. Dahil sa maagang pagkaulila sa ama, natigil sa pag-aaral si Pablo, at bilang panganay, inaruga niya ang naiwang katungkulan ng pumanaw na ama ayon na rin sa kaugaliang Tsino (El Coronel Pablo Tecson Ocampo, Silueta Biografica Documentos Historico, Manila, 1929). Namasukan siya sa isang botika sa Escolta, Maynila at itinaguyod ang kaniyang mga kapatid.
Bumalik si Pablo sa San Miguel de Mayumo at itinalaga siyang Cabeza de Barangay sa loob ng 11 taon. Nahirang din siya na hepe ng pulisya sa rangong Tenyente at nanungkulan ng dalawa at kalahating taon. Itinatag ni Tecson ang "Cuadrillos" sa San Miguel de Mayumo. Siya ang nahirang na Kapitan ng 320 Cuadrilleros na pawang mga taga-San Miguel sa ilalim ng isang opisyal na Kastila. ("Pablo Tecson and the Siege of Dagupan”, thesis of Rosabella Fernandez submitted to Prof. Jaime B. Veneracion)
Sa pagsiklab ng Himagsikan, nilusob ng mga taga-Nueva Ecija ang San Miguel de Mayumo sa pamumuno ni Hen. Llanera, ngunit hindi sila nagtagumpay dahil sa pagtatangol ni Pablo Tecson at mga kababayang Cuadrilleros na taga-San Miguel de Mayumo. (“A Shalf of Life”, Rafaelita H. Soriano)
Bago sumiklab ang Himagsikan, si Pablo Tecson ay nanatiling tapat sa Espanya at inatasang magbuo ng isang batalyong lalaban sa mga Amerikano. Hindi ito naisakatupan dahil sa pagbabalik ni Hen. Emilio Aguinaldo mula sa Hongkong. Ipinag-utos ni Aguinaldo ang pagpapatuloy ng digmaan laban sa mga Kastila. Noong Mayo 1898 (araw ng kapistahan ng San Miguel de Mayumo), ang mga Cuadrilleros na taga-San Miguel ay pumanig sa mga Pilipino at tinangkang dakipin ang mga Kastila. Si Tenyente Telesforo Carrasco, pinuno ng 19 na sundalong Kastila na nakatalaga sa San Miguel de Mayumo ay nagtago sa loob ng simbahan. Sumuko ang mga Kastila makaraan ang isang linggo dahil sa panghihikayat ng kaniyang kapatid na si Simon Tecson at ang kababayan na pumanig sa mga Pilipino. (“Remembering My Lolo: Simon Tecson”, Luis Z. Tecson)
Sa pagpanig ni Kapitan Pablo Tecson at 320 Cuadrilleros, hinirang siyang Medyor (Major). Inatasan siya sa pagkubkob ng mga Kastila sa Dagupan, Pangasinan noong 21 Hulyo 1898. Makaraan ang dalawang lingo, sumuko si Comandante Francisco Ceballos at 800 sundalong Kastila. Isinuko rin ang 1,000 Ma**er at mga bala. Dahil dito, muling tinaasan ng rango si Tecson sa pagiging Tenyente Koronel. Samantala, ang kapatid niyang si Kol. Simon Tecson ang inatasan sa Baler (ngayo'y sakop ng Lalawigan ng Aurora). (“Pablo Tecson and the Siege of Dagupan’, Rosabella Fernandez)
Sa simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong 4 Pebrero 1899, si Ten. Kol. Pablo O. Tecson at ang kaniyang pangkat ay nakipaglaban sa Caloocan sa ilalim ni Hen. Gregorio del Pilar. Napilitan silang umurong, ipinagtanggol ang Quingua upang huwag makatawid ng ilog Angat ang mga Amerikano at malusob sa likod ang mga nagtatanggol sa Calumpit. Noong 23 Abril 1899, ang pangkat ni Kol. Pablo Tecson ay napalaban sa 4th U.S. Cavalry na pinamunuan ni Maj. J. F. Bell at napaslang si Col. John Stotsenburg sa labanan sa Quingua. (“The Battle of Quingua”, artikulong nalathala noong 22 Hunyo 1969 sa Sunday Times Magazine at isinulat ni Francisco V. Buencamino)
Dahil sa patuloy na pagkagapi ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano, ipinag-utos ang gerilyang pamamaraan ng pagkikipaglaban at hinati ang Bulacan sa 6 na Sona. Ang San Miguel de Mayumo, San Ildefonso at San Rafael ay sakop ng ika-apat na sona. Si Koronel Pablo Ocampo Tecson ay nagkuta sa bundok Corona at pinangalan ang brigada sa punong himpilan nasa bundok Corona. (“Remembering My Lolo: Simon Ocampo Tecson”, Luis Z. Tecson)
Noong umaga ng 29 Mayo 1900, si Captain Charles Duval Roberts at anim na sundalo ay nagtungo sa nayon ng Sta Lucia, San Miguel de Mayumo at nakasagupa ang Columna Volante ni Kol. Simon Tecson na pinamumunuan ni Maj. Nemencio Bartolome. Sa labanang ito, tatlong Amerikano ang napatay at isa ang nasugatan. Si Capt. Roberts at dalawang sundalo ay kapwa nabihag. Ang mga bihag ay dinala sa bundok Corona at ibinigay ang pangangalaga kay Kol. Pablo Tecson. Tumagal ng mahigit na dalawang buwan ang pagkakabihag sa mga Amerikano. Sa pagpupulong sa Provost Marshal ng Amerikano at Kor. Pablo Tecson sa Sibul noong 13 Hunyo 1900, si Capt. Charles Roberts at kaniyang mga sundalo ay pinalaya. Sa pulong na ito, si Capt. Roberts at 2 bihag ng digmaan (Prisoner of War) ay papalayain kapalit ng pangako ni Roberts na hindi makikipaglaban kay Kol. Pablo Tecson. (skirmishes report of Capt. Roberts, U. S. National Archives, Washington, D.C., courtesy of Dr. Miguel P. Tecson)
Noong 6 Abril 1901, isang linggo makaraang mahuli at manumpa ng katapatan sa Amerika si Hen. Emilio Aguinaldo, sumuko si Kol. Pablo Tecson kasama ang 19 opisyal at 173 sundalo sa Sibul, San Miguel. Isinuko rin nila ang mga armas at bala. Si Kol. Pablo Tecson ay nanumpa ng katapatan sa watawat ng Amerika ayon sa kasunduan ng kanilang paglaya. Ang kapatid niyang si Simon ay hindi nanumpa at ipinatapon sa Guam.
Sa tulong ng dating bihag at naging matalik na kaibigan na si Capt. Charles Roberts, si Pablo Tecson ang naging unang halal na Gobernador ng Bulacan at inanyayahan sa St. Louis Exposition sa Estados Unidos noong 1904 (“Remembering My Lolo: Simon Ocampo Tecson”, Luis Z. Tecson). Bilang Punong Lalawigan ng Bulacan, isinaayos ni Pablo Tecson ang paninigil ng buwis, nagtatag ng mga paaralan, nagpagawa ng mga daan at nagkabit ng telepono sa lahat ng bayan. Itinaguyod niya ang industriya sa paggawa ng telang seda (silk industry) at ipinadala ang tanging anak na si Vicente Tecson sa bansang Hapon upang mag-aral ng telang seda. Si Pablo ang tanging Pilipino na kabilang sa lupong pumili sa kinatatayuan ng Central Luzon State University sa Muñoz, Nueva Ecija.
Makaraan ang kaniyang panunungkulan bilang Gobernador ng Bulacan, si Pablo Tecson ay nahirang na direktor ng Kagawaran ng Agrikultura, kasapi ng “Junta de Iqualacion” (Board of Iqualization/Adjustment), at Superintendent ng Agricultural Promotion ng Bureau of Agriculture (ngayon ay Bureau of Agriculture Extension). (“Pablo Tecson and the Siege of Dagupan’, Rosabella Fernandez). Siya ang nagtaguyod sa pagpapagawa ng Peñaranda Irrigation System na pinatutubigan ang mga bayan ng Nueva Ecija. Ang lupang kinatatayuan ng Camp Tecson sa Sibul, San Miguel ay ipinagkaloob ng kaniyang angkan.
Si Pablo Ocampo Tecson ay nanirahan sa Tikiw, San Antonio, Nueva Ecija kasama si Isidoro D. Torres at noong idineklarang “homestead” ang lalawigan ng Nueva Ecija, ang dati nilang mga sundalo ang pinaghawan ng lupa sa tulong ni Manuel Tinio na direktor ng Bureau of Land Registration na tituluhan ang bukirin ng mga lupa sa San Antonio, Nueva Ecija (“Remembering My Lolo: Simon Ocampo Tecson”, Luis Z. Tecson).
Binawian ng buhay si Pablo noong 1940 sa San Antonio, Nueva Ecija. Bilang pagtalima sa kaniyang huling habilin, ang kaniyang mga labi ay inilagak sa Libingan ng mga Bayani sa San Miguel de Mayumo, kasama ng mga sundalong nagpakasakit, nakipaglaban at nag-ambag ng buhay para sa bayan at para sa ating kalayaan.
*****
Nakikiisa ang BULACAN History and Heritage sa paggunita ngayong araw, 30 Abril 2024, sa ika-84 Anibersaryo ng kamatayan ni Gob. Pablo O. Tecson - Rebolusyonaryo at dating Punong Lalawigan ng Bulacan.
Likhang larawan ni G. Billy Joe B. Marciano
08/05/2026
02/04/2026