08/12/2024
Walang pasok sa Disyembre 9, 2024 I Pistang Bayan
CITY RESOLUTION 455-2024
KANSELADO ANG KLASE AT PASOK SA DISYEMBRE 9 (LUNES)
Bilang Paggunita sa Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria o Pistang Bayan 2024.
Sa pangunguna ng ating Punong Lungsod Abogado Christian D. Natividad, Pangalawang Punong Lungsod Igg. Migs Alberto T. Bautista, at ng mga bumubuo ng Sangguniang Panglungsod, kasama si Konsehal JV Vitug bilang principal author, aprubado na ang City Resolution 455-2024 na nagkakansela ng pasok sa lahat ng pampubliko at pampribadong tanggapan sa Disyembre 9, 2024 (Lunes) upang bigyang-daan ang paggunita sa Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.
Ang resolusyon na ito ay naaprubahan sa nakaraang ika-144 na Karaniwang Pagpupulong ng Sangguniang Panglungsod noong ika-27 ng Nobyembre 2024.
Ayon sa memorandum circular na inilabas ni RCAM Vice Chancellor Fr. Carmelo Arada, ang dakilang kapistahan na tradisyunal na ipinagdiriwang tuwing Disyembre 8 ay ililipat sa Disyembre 9 (Lunes) ngayong taon, sapagkat natapat ito sa araw ng Linggo. Kasama rin dito ang banal na obligasyong dumalo sa misa sa nasabing araw.
Hinihikayat ang lahat na gamitin ang araw na ito upang magbigay-pugay sa Mahal na Birheng Maria at magdasal bilang pasasalamat sa kanyang pagmamahal at sakripisyo para kay Hesus Kristo, ang ating Tagapagligtas.
Sama-sama nating ipagdiwang ang araw na ito sa diwa ng panalangin, pasasalamat, at pananampalataya!