31/03/2026
READ | FULL SPEECH TRANSCRIPT
With pride, Rose Ann Beatriz Cardaña, a Grade 10 student with High Honors, delivered a heartfelt speech inspiring graduates to overcome challenges, embrace growth, and move forward with courage and faith.
Magandang araw po at isang mapagpalang hapon sa ating lahat—sa ating mga panauhin, sa ating ulong g**o na si G. Rommel Evangelista, sa mga g**o na naging gabay namin, sa lahat ng mga magulang na saksi sa bawat puyat at pagod, at sa mga kapwa ko mag-aaral. Sa wakas, nandito na tayo sa araw na sabay-sabay nating pinangarap.
Una sa lahat, gusto kong magpasalamat sa Panginoon dahil hindi Niya tayo pinabayaan sa mga panahong pakiramdam natin ay hindi na natin kaya. Alam ko, bilang estudyante, nagkakaroon tayo ng burnout moments—at mismong ako, naranasan ko iyon. Hindi ito naging madali, pero dahil sa gabay ng ating Panginoon, nalampasan ko ang bawat hamon bilang estudyante. Ang araw na ito ang patunay na ang pagkalugmok, pagkabigo, at pagkawalan ng gana ay kaya nating lampasan basta kasama natin ang Panginoon.
Nais ko rin magpasalamat kay Mama. Alam ko hindi ako naging mabuting anak, lalo na kapag bugnot ako galing sa school dahil sa dami ng iniisip. Salamat sa pag-unawa, sa pagtitiwala, at sa pananatili sa tabi ko kahit na minsan ay nakakapagod na ang ugali ko. Lahat ng sakripisyo mo, Ma, ang baon ko simula unang araw pa lang, at iyon ang dahilan kung bakit nandito ako sa entablado.
At para kay Papa na nasa langit na—Pa, thank you for being my first teacher. Hindi ko malilimutan ang mga araw na lagi mo akong tinuturuan at tinutulungan. Ang bawat turo mo ay nakatanim na sa puso ko. Sabi nila, wala ka na rito, pero sa tuwing tinitingnan ko ang sarili ko, nakikita ko ang mga aral na iniwan mo sa akin. Lagi kong iniisip na hindi ako ang “Bea” na nandito ngayon kung hindi dahil sa pundasyong itinanim mo sa puso ko noong bata pa ako. Sabi nila, ang ugali ng anak ay nakakonekta sa magulang nila—naniniwala ako doon, dahil kung sino ako ngayon ay dahil sa kung ano ang itinuro ninyo sa akin ni Mama. Araw-araw akong nagpapasalamat dahil doon. Pa, sana nakikita mo ako ngayon. Lahat ng ito ay para sa iyo.
Kay Ma’am Dianne, ang adviser namin—Ma’am, maraming salamat po sa pagturing sa amin na hindi lang basta estudyante kundi parang anak na rin. Salamat po sa lahat ng turo at paggabay sa amin. Alam ko pong hindi madali ang maging adviser namin, pero kahit ganoon, tinanggap pa rin po ninyo kami. At salamat din po sa pakikinig sa mga rants at jokes namin. Hindi man po perfect ang section namin—madalas makulit at maingay—pero nais ko pong malaman ninyo na sobra po kaming nagpapasalamat sa inyo. Mamimiss po namin kayo, Ma’am Dianne.
Para naman sa lahat ng naging g**o namin ngayong taon at sa mga nagdaang taon—Ma’am Dianne, Ma’am Jovie, Ma’am Jessica, Ma’am Abi, Ma’am Beth, Sir Wayne, at Sir Jonel—maraming salamat po sa inyong lahat. Alam ko pong hindi naging madali ang magturo sa amin, lalo na sa mga araw na puno ng kakulitan. Salamat sa pagpapasensya sa aming mga ugali at sa hindi pagsuko na gabayan kami. Ang inyong mga turo ay hindi lang tungkol sa mga lesson kundi pati na rin sa buhay na kakaharapin namin. Araw-araw ko itong babaunin at papahalagahan. Ang inyong dedikasyon ang nagbukas ng isip ko para mas maging curious sa mundo. Kayo ang nagsilbing inspirasyon ko para mas paghusayan pa at patunayan sa sarili ko na kaya kong gawin ang mga bagay na akala ko ay hindi ko kaya.
Kay Ma’am Jovie, salamat po sa pag-guide sa akin sa mundo ng SSLG. Ang pagiging isang student leader ay hindi madali, pero dahil po sa tiwala ninyo at sa mga turo ninyo, natutunan ko na mas madaling gampanan ang pagiging lider-estudyante kung alam mo ang dahilan kung bakit mo ito ginagawa. Sa mga fellow officers ko, salamat sa pagtanggap sa akin at sa pagtulong sa bawat kilos natin. Kayo ang naging sandalan ko noong mga panahong hirap na ako bilang president. Sa totoo lang, naging mabigat ang responsibilidad, pero dahil sa tulong at presensya ninyo, kinaya kong tapusin ang taong ito. Salamat sa pagsalo sa akin tuwing kailangan ko ng kasama. Mamimiss ko kayo, SG.
Kay Sir Wayne, maraming salamat po sa lahat. Higit pa sa pagiging estudyante ninyo, tinuruan ninyo po ako kung paano magkaroon ng paninindigan at kung paano tingnan ang mundo sa mas malalim na paraan. Grateful po ako na naabutan ko ang Herald at naging bahagi ako nito. Dahil sa inyo, natutunan kong ang bawat salita ay may kapangyarihan, at ang bawat kwento ay may boses na dapat pakinggan. Salamat po dahil minulat ninyo kami sa maraming bagay.
Kay Ate Rica, thank you for pushing me to this journey. Salamat sa pagtitiwala sa akin noong panahong ako mismo ay hindi naniniwala sa sarili ko. Sig**o kung hindi mo ako pinilit noon, hindi ko mae-experience ang mga masasayang bagay na nagawa ko ngayong school year. Salamat din sa pag-guide sa akin sa journey ko sa SSLG at sa pagiging ate na laging andiyan para alalayan kaming mga SG sa bawat desisyon at bawat hakbang namin bilang lider.
Sa circle ko—salamat sa inyo: Princess, Charlotte, Nica, Nicole, Marife, at Yuan. Kayo ang naging takbuhan ko tuwing gusto ko nang sumuko. Salamat sa pagtulong sa akin sa bawat pagkakamali ko at sa bawat kailangan kong gawin. Nakakalungkot isipin na hindi na tayo magkakasama sa iisang silid—hindi na tayo sabay-sabay kakain, at hindi na rin natin masusuyo si Yuan kapag nagtatampo siya. Maaaring magkaroon na rin tayo ng kanya-kanyang buhay, pero nais kong malaman ninyo na ang kwento natin at pinagsamahan natin ay hinding-hindi mawawala sa puso ko. Ang pagkakaibigan natin ay hindi nagtatapos dito—lagi kayong magkakaroon ng lugar sa puso ko.
At siyempre, sa lahat ng mga nakasama ko sa paaralang ito simula umpisa—sa mga kaklase ko, sa mga naging kaibigan ko, at sa mga ate at kuya ko—salamat sa apat na taong pagsasama. Sa mga asaran, tawanan, at kahit sa mga tampuhan—lahat iyon ay baon ko habang umaalis ako sa paaralang ito.
Para sa mga mag-aaral na papasok pa lamang sa high school: huwag kayong matakot mapagod, madapa, o magkamali. Ang high school ay hindi karera kung sino ang pinakamagaling; ito ay isang mahabang paglalakbay para mahanap kung sino talaga kayo. May mga araw na iisipin ninyo na gusto na ninyong huminto, pero sa mga sandaling iyon ninyo matutuklasan kung gaano kayo katapang. I-enjoy ninyo ang bawat sandali—mula sa pinakamaliit na tawa hanggang sa pinakamalaking pagsubok—dahil bago ninyo mamalayan, kayo na ang nakatayo rito sa harap. Huwag din ninyong kalimutang maging totoo sa sarili ninyo habang hinahanap ninyo ang inyong mga pangarap.
Sa ating lahat na papasok na sa Senior High: alam kong may takot at kaba sa bawat isa sa atin habang tinitingnan natin ang hinaharap. Pero tingnan ninyo kung gaano na kalayo ang ating narating. Nalampasan natin ang junior high sa kabila ng lahat ng hirap, puyat, at luha. Baunin natin ang katatagan at tapang na nakuha natin dito. Hindi man natin alam ang eksaktong mangyayari sa susunod na kabanata, alam kong handa na tayong sumabak dahil sa mga pinagdaanan natin.
Magpatuloy lang tayo sa pag-abot ng ating mga bituin, dahil ang bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang kislap na magbibigay-liwanag sa ating kinabukasan.
Kung may isang salitang magrerepresenta ng aking buong high school journey, ito ay “Salaysay.” Dahil ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang kwento ng pakikipagsapalaran, pagkatalo, at tagumpay na nagdala sa atin sa puntong ito. Bawat pahina ng ating buhay rito ay may dalang aral na hindi lamang makikita sa mga libro.
Ito na ang huling pagkakataon na magkakasama tayo sa ilalim ng iisang bubong bilang mga mag-aaral ng paaralang ito. Masakit mang iwanan ang mga nakasanayan—ang mga koridor na naging saksi sa ating tawanan at ang mga silid na naging saksi sa ating pagpupursige—kailangan nating humakbang pasulong upang isulat ang mga susunod na pahina ng ating buhay. Huwag nating kalimutan na ang bawat pagtatapos ay isa ring panibagong simula.
Sabi nga nila, “The end of a story is just the beginning of another.” Ang bawat tuldok na inilalagay natin ngayon ay magsisilbing panibagong letra para sa susunod na kabanata ng ating buhay. Hindi man natin alam kung ano ang eksaktong nakasulat sa hinaharap, baon naman natin ang tapang na natutunan natin sa loob ng apat na taon. Kaya naman, patuloy tayong managinip nang gising, lumaban nang may paninindigan, at manatiling totoo sa ating mga sarili.
Muli, ako si Rose Ann Beatriz Cardaña. Maraming salamat sa pagiging bahagi ng aking kwento. Congratulations sa ating lahat, Batch 2026!