12/08/2026
𝗣𝗔𝗡𝗜𝗧𝗜𝗞𝗔𝗡 | Pagninilay sa DYIP
Isinulat at dibuho ni Aljune Sebua
Tuwing nasa dyip tayo, may iba’t iba tayong nakikita, nakakasalamuha, nahuhusgahan at napapansin. May pagod, maligaya, malungkot, galit at iba pa. Halimbawa na lamang…
Sa tuwing may taong papara..
"𝑃𝑎𝑟𝑎 𝑝𝑜"
Lahat ng nakasakay ay maaakit sa atensyon na hinihingi ng pasahero, at inoobserbahan kung naririnig ba ng drayber ito.
"𝑃𝐴𝑅𝐴 𝑃𝑂"
At sa pangalawang pagsigaw ng pasahero, lahat ay sama-sama ng tumutulong para marinig ng drayber at huminto.
Isa ito sa mga kapansin pansin na gawain sa loob ng dyip. Bukod pa dito, sa tuwing may sasakay na bagong pasahero, pansin ng lahat na laging umuusog hanggang dulo ang mga nakaupong pasahero para mabilisang makaupo ang mga bago.
Pansin din ng lahat ang bayanihang pagpapasahan ng bayad, upang makarating ito sa drayber o sa nagmamaneho.
Kita mo? lahat ng galaw, kilos o bawat akto sa dyip ay nakikita ng bawat tao. Kapansin-pansin at buong nakikilahok ang bawat Pilipino.
Ngunit pinapansin din kaya nila ang bawat kaisipang pumapatong sa kanilang mga ulo?
Isa sa mga karanasan ko sa dyip, habang tahimik, punuan at patuloy na umaandar ang sasakyan, nakapagbasa ako sa internet gamit ang aking digital na telepono. Isang panitikan na pinamagatang “Bakit kalahati lang kung buksan ko ang Bintana ng DYIP” Pumapatungkol ito sa bawat desisyon natin sa buhay.
Ngunit, sa aking pagninilay, higit magkatulad lang kami ng gawain, subalit ang sa akin ay hindi pumapatungkol sa pagpapasya. Para sa’kin, ang pagbubukas ng kalahating parte lamang ng bintana ay nangangahulugang hindi ko kinakailangang buksan ng buo ang bintana, sapat na ang maikling espasyo upang pawiin ng hangin ang pagod at pawis na aking dinadamhin.
Kagaya ng takbo ng buhay, hindi mo kinakailangang buksan ng buo ang bintana para makuha mo ang mga nais at kailangan mo, hindi rin ito dahilan para mabilis mong makuha ang kapalaran na hinahangad mo. Sapat na ang maliit na espasyo, sapagkat dito mo din malalaman kung sino ang tapat, handa o may paninindigan para sumiksik sa masikip na puwang para itungo ka sa tagumpay na inaasam mo.
Hindi ba’t mas masakit kung bubuksan mo ng buo ang iyong bintana, at hayaan lamang na makapasok ang lahat at iwan kalang din naman kapag nakuha na nila ang nais nila? O kaya naman hayaang abandonahin ka kapag naramdaman na nila ang pagkapagod at kagustuhan na humanap ng iba? Hindi ba?
Kung hindi man pumapatungkol sa tao, hahayaan mo ‘din ba na makapasok ang mga maaaring hadlang sa nais mong paroroonan, sa buhay o katagampuyang iyong napapanaginipan.
Kung sa ganun pala, hindi ba mas mapapadali kung hayaan at panatilihin na lang nakasara ang bintana, upang di makapag dagdag ng paulit ulit na problema? Maaring inyong katanungan.
Maari naman, ngunit paano din makakapasok ang bawat oportunidad, pagbabago, at ang mga daan sa pangarap mo kung patuloy lang itong nakasarado?
Hindi lang naman isang nilalang o nahahawakan ang kayang pumasok sa bintana, tulad ng hangin, kaya nitong pumasok sa bintana at pawiin ang init na dulot ng panahon.
Kaya ngayong Buwan ng Wika, wag mong hahayaang nakasara ang iyong bintana upang makapasok ang bawat aralin, kaisipan, talento at kasaysayan sa puso’t isip mo.
Wag mo ring bubuksan ng buo, upang mapagmasdan mo kung ano ang dapat para sa’yo.
Tandaan mo, hindi lang tao ang darating at papasok sa buhay mo. 𝐎𝐏𝐎𝐑𝐓𝐔𝐍𝐈𝐃𝐀𝐃 𝐃𝐈𝐍 𝐀𝐓 𝐏𝐀𝐆𝐊𝐀𝐊𝐀𝐓𝐀𝐎𝐍 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐀𝐘𝐎𝐒 𝐍𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐁𝐀𝐁𝐀𝐁𝐀𝐆𝐎.
Isa ito sa mga pagninilay ko, isipin mo, ano pa kayang kaisipan ang gumugugol sa bawat tao sa loob ng dyip?