05/08/2026
| Ang TINIG, SINING, PLUMA, at SAMAHAN ng DULAAN ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong buwan ng Agosto taong 2026🇵🇭
"Sulyap sa Salinlahi"
May punong hindi nalalagas sa paglipas ng panahon. Hindi ito dinidiligan ng ulan, kundi ng mga salitang buong pusong binibigkas. Ang ugat nito'y kasaysayan, ang mga sanga'y kultura, at ang bawat dahon ay mga Pilipinong patuloy na ipinagmamalaki ang sariling wika.
Tuwing sumasapit ang Buwan ng Wika, muling sumisibol ang punong ito. Sa bawat tulang binibigkas, awiting inaawit, at kuwentong isinasalaysay, muling nabubuhay ang diwa ng lahing nagbuklod sa pamamagitan ng wika.
Sa pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence (AI), lalo pang nagiging mahalagang pangalagaan ang ating wikang Filipino. Bagama't kayang lumikha ng AI ng iba't ibang kaalaman at nilalaman, ang tunay na diwa ng pagiging Pilipino ay nagmumula pa rin sa ating kultura, karanasan, at sariling wika. Ang teknolohiya ay maaaring maging tulay sa pag-unlad, ngunit ang Filipino ang nananatiling gabay sa ating pagkakakilanlan.
Sapagkat ang wikang inaalagaan ay parang binhing patuloy na namumunga.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ipinapaalala sa atin na ang AI ay kasangkapan lamang, samantalang ang wikang Filipino ang kaluluwang nagbibigay-buhay sa ating kultura. Hangga't may kabataang nangangarap sa sariling wika at gumagamit ng teknolohiya nang may pagpapahalaga sa ating pagkatao, mananatiling buhay ang diwang Pilipino at matatag ang ating kinabukasan.
"Pinapalakas ang tinig,
pinagkadalubhasaan ang sining,
pinaghaharian ang entablado."
✍️ | Dinawanao, Jessele Mae A.
🖼️ | Maliglig, Jhanelle E.