31/08/2026
𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 𝗡𝗚 𝗨𝗣𝗟𝗕 𝗦𝗜𝗚𝗠𝗔 𝗔𝗟𝗣𝗛𝗔 𝗦𝗢𝗥𝗢𝗥𝗜𝗧𝗬 𝗛𝗜𝗡𝗚𝗚𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗔𝗥𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡𝗜 𝗔𝗧 𝗔𝗥𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗗𝗘𝗦𝗔𝗣𝗔𝗥𝗘𝗖𝗜𝗗𝗢
Bayani ang bansag sa isang taong nagpakita ng katangi-tanging katapangan at kakayahan dito sa Pilipinas. Noong sinaunang panahon, sila ang mga mandirigmang nanguna sa pagtatanggol ng komunidad o tribo laban sa mga kaaway at panganib. Sa sunod-sunod na pagsakop ng mga dayuhang Kastila, Amerikano, at Hapones, bayani ang mga rebolusyonaryong nanguna sa laban para sa kalayaan. Ngayon, marami na silang mga mukha: mga OFW na nakikipagsapalaran sa ibang bansa para buhayin ang pamilya, mga health worker na pangunahing pwersa laban sa nagdaang pandemya at sa patuloy na krisis pangkalusugan; mga magsasaka at mangingisdang nagdadala ng pagkain sa lamesa ng bawat pamilyang Pilipino sa kabila ng kinakaharap na laban para sa kanilang teritoryo; at mga rebolusyonaryong bitbit ang panawagan para sa pagbabago ng lipunan.
Hindi lahat ng bayani ay kilala, may pangalan, o nabigyan ng parangal. Ang iba naman ay dinukot, at ikinulong sa dilim, mga biktima ng marahas at mapaniil na estado na naglalayong patahimikin ang tinig na lumalaban at kumikilos.
Ngayong Pambansang Araw ng mga Bayani, Agosto 31, kinikilala ng 𝐔𝐏 𝐒𝐢𝐠𝐦𝐚 𝐀𝐥𝐩𝐡𝐚 𝐒𝐨𝐫𝐨𝐫𝐢𝐭𝐲 - 𝐋𝐨𝐬 𝐁𝐚ñ𝐨𝐬 ang mga bayani ng kasaysayan at mga bayaning itinatawid tayo tungo sa kinabukasan. Lalo ang mga kababaihang doble ang sikap para sa parehong rekognisyong naibibigay sa kaibang kasarian. At kasabay ng pagdiriwang ay ang pag-alala sa mga bayaning itinago at pinagkaitan ng kalayaan, ang mga biktima ng sapilitang pagkawala.
Sa paggunita sa kanila, huwag nating kalimutan ang kanilang mga mukha, kwento, at mga ipinaglaban at patuloy na pinaglalaban. Sapagkat ang pag-alala ay hindi lamang pagkilala, ito rin ay paniningil para sa katotohanan at katarungan.
Dala ang parehong dugo nanalaytay kina Gabriela Silang, Melchora Aquino, Teodora Alonzo, Trinidad Tecson, Josefa Rizal, Teresa Magbanua, Gregoria de Jesus, Josefa Llanes Escoda, at Nieves Fernandez; Babae, ang lugar mo ay sa pakikibaka!
Para rin kila Cristina Catalla, Gerry Faustino, Rizalina Ilagan, Ramon Jasul, Salvador Panganiban, Jessica Sales, Emmanuel Salvacruz, Virgilio Silva, B**g Sison, Erwin de la Torre, Dexter Capuyan, Bazoo de Jesus, James Jazmines, Felix Salaveria Jr., Elgene Mungcal, Ma. Elena Pampoz, at sa iba pang biktima ng estado. Sila man ay walang monumento o parangal, hindi dapat mawala sa ating alaala ang kanilang mga pangalan. Ang inyong mga ipinaglaban ay hindi malilimutan.