31/08/2026
Para sa mga minsang lumaban, at patuloy na lumalaban para sa mga mamamayan at bayan…
Maligayang Araw ng mga Bayani! ✊
Sa araw na ito, Ika-31 ng Agosto, ating ipinagdiriwang ang kagitingan at kabayanihan ng bawat isang Pilipinong minsang nanindigan para sa katarungan, at kalayaan ng bawat mamamayang Pilipino. Sa paggunita ng sakripisiyo at kabayanihan ng ating mga bayani, ay nakikiisa ang UP Cell Biological Society.
Gayun pa man, ating isa-isip na ang araw na ito ay hindi lamang nakalaan para sa ating paggunita sa mga historikal na mga taong lumaban noon para sa kalayaan ng mga mamamayan ng ating bansa. Bagkus, ang araw na ito rin ay ating ilaan sa paggunita sa kabayanihan ng mga taong patuloy na tumitindig para sa katarungan, kalayaan, at kapakanan ng bawat Pilipino. Sapagkat nakalaya man tayo sa panunupil ng mga dayuhang sumakop sa atin noon, patuloy pa rin naman ang ating pagkakagapos mula sa kamay ng mga gahamang indibidwal na tanging sarili lamang ang pinaglilingkuran. At ngayon, sa patuloy na pag igting ng pyudalismo, imperyalismo, at burukrata kapitalismo na higit na masasalamin sa mga proyekto at aktibidad tulad na lamang ng Pax Silica na di umano’y “para sa ikauunlad ng bansa”, pero sa huli ay nagbubukas lamang ng mas maraming espasyo para sa malawakang pang-aabuso sa mga manggagawa, at mga lokal na mamamayan, kinakailangan natin na mas paigtingin ang ating paninindigan.
Kaya naman, sa patuloy na pag-usbong ng lantarang pang-aapi, at pang-aabuso, magsilbi nawang paalala ang araw na ito, na noon pa man, dumadaloy na sa ating dugo ang katapangan upang magpumiglas, at tumindig laban sa anumang uri ng paniniil mula sa kamay ng mga mapangabuso. Mula sa mga makasaysayang rebolusyong minsan nang nagbigay liwanag sa ating kalayaan, hanggang sa mga paghihimagsik laban sa kamay ng diktadurang Marcos at maging sa kasalukuyang mga anyo ng paniniil, mariing napatunayan ng ating kasaysayan ang mahalagang gampanin ng paghihimagsik, at pakikibaka para sa pagkamit ng katarungan at kalayaan ng ating masa. Ipinakita ng ating kasaysayan na kailanman ay hindi naging mali ang pagkondena sa pang-aabuso. Higit sa lahat, itinuro ng nakaraan na ang tunay na malasakit sa bayan ay nasusukat sa tapang na tumindig para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino.
Sa ganitong lagay, magsilbi nawang hamon ang araw na ito sa bawat isa upang mas paigtingin pa ang ating paninindigan laban sa anumang uri ng kalapastanganan sa bayan, at sa mga mamamayang patuloy na bumubuhay rito. Sapagkat hangga’t may mga magsasakang nakikipaglaban para sa kanilang lupang sakahan, hanggat may mga tsuper na namomroblema sa kung saan kukuha ng perang pampuhunan sa kanilang gasolina, hanggat may mga lokal na tribong pilit pinaaalis sa lupang kanilang kinagisnan, at hanggat may mga Pilipinong patuloy na hinahamak ng ‘di patas na sistema ng ating lipunan, hindi natatapos ang ating laban.