31/08/2026
Pagpupugay sa ating mga bayaning nagbuwis ng kanilang pawis, utak, serbisyo at buhay para sa bayan!
Kamakailan lang, sa usapin ng confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte, isang pagkukumpara ang ginawa ni Sen. Robin Padilla. Ayon sa kanya, ang paggamit ng alyas ng mga dawit sa confidential funds ay karaniwang ginagawa upang itago ang kanilang pagkakakilanlan tulad ng paggamit ng mga tanyag nating bayani upang hindi sila matukoy ng mga dayuhan.
Naging mainit at nauukol ang usaping ito sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani. Matatandaang noong ika-24 ng Hulyo, taong 2007, nilagdaan ng dating pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act No. 9492 na nag-aatas na sa pagpatak ng huling Lunes ng buwan ng Agosto ipagdiriwang ang National Heroes’ Day.
Ngayong araw, ating ginugunita ang mga bayani na inialay ang kanilang sarili para ipagtanggol ang ating bayan laban sa mga abusadong nasa kapangyarihan—sa paraan man ng pagbuhos ng tinta sa kanilang mga nobela, tula, talata sa dyaryo o sa lakas-loob nilang pag-aaklas sa mga madugong digmaan gamit ang kani-kanilang alyas.
Sa harap at likod ng mga pangalang ito, iisa lamang ang layunin na dala ng ating mga bayani—pakikibaka para makamtan ang karapatan, kalayaan, at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino na nabubuhay sa ating sariling lupain. Para sa ating mga bayani, ang mga palayaw ay sagradong pangalan na nagkukubli sa makatao at makabayang mga hangarin at hindi para sa pansariling interes. Taliwas dito, malinaw na sa usapin ng impeachment, ang pagtatago sa likod ng mga pangalan ay lantarang panlilinlang.
Ang alyas ay para sa mga makubuluhang hangarin—hindi sa pondo ng bayan at mga kasinungalingan.
Kung kaya’t kaisa ang UPLB Com Arts Society ngayong Araw ng mga Bayani sa pagbibigay-pugay sa mga bayaning hirang ng masa at paglilitis sa mga taong bumababoy sa bigat ng paggamit ng palayaw.
Hindi lang natin inaalala ngayong araw ang husay at dangal na ipinamalas ng ating mga bayani. Nawa ang paggunita na ito ay ang mitsa ng mga pag-usbong ng matitibay na pamantayan sa kung ano ang maituturing na tunay na kabayanihan.