31/08/2026
Lagi’t-lagi para sa bayan!
Ngayong Agosto 31, ipinagdiriwang ang Araw ng mga Bayani bilang paggunita sa mga makasaysayang lider at indibidwal na nanguna sa pakikibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas. Saksi ang nakaraan sa kanilang tapang at talino upang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipinong mabuhay nang malaya mula sa pandayuhang interes. Pinatunayan nila ang kapangyarihan ng kolektibong pagkilos laban sa pang-aapi, katiwalian, at kawalan ng katarungan tungo sa isang mas makatarungan at makataong lipunan. Higit sa lahat, ipinakita nilang ang kalayaan ay hindi basta ipinagkakaloob, kundi ito ay ipinaglalaban, ipinagtatanggol, at patuloy na isinasabuhay.
Sa araw na ito, ipinapaalala sa atin na ang paglalakbay tungo sa tunay na pambansang kasarinlan ay hindi nagtatapos sa pagkamit ng kalayaang pampolitika. Sapagkat habang nananatili ang mga anyo ng pang-aapi, pagsasamantala, katiwalian, at hindi pagkakapantay-pantay, nananatili rin ang tungkulin ng bawat henerasyon na ipagpatuloy ang laban para sa isang lipunang tunay na malaya at makatarungan. Kung gayon, ang paggunita sa mga bayani ay hindi lamang paglingon sa nakaraan, kundi pag-unawa sa mga ipinaglaban nila at pagtatanong kung paano natin ito maisasabuhay sa kasalukuyan.
Dito natin higit na nakikita ang kabayanihan sa iba’t ibang mukha. Hindi lamang ito nasusukat sa mga pangalang nakaukit sa monumento o nakasulat sa mga pahina ng kasaysayan. Makikita ito sa mga jeepney driver na patuloy na naghahatid ng mga mamamayan sa kabila ng mga hamon sa kanilang kabuhayan; sa mga estudyanteng ginagamit ang kanilang tinig upang manindigan laban sa katiwalian at kawalang-katarungan; sa mga mamamahayag na patuloy na naghahatid ng katotohanan sa gitna ng sakuna, pananakot, at intimidasyon; at sa bawat mamamayang Pilipino na nagbibigay liwanag sa madilim na mundo ng korapsyon at katiwalian na kinahaharap ng bayan. Sa kanilang magkakaibang paraan, ipinapaalala nila na ang kabayanihan ay hindi lamang tungkol sa dakilang sakripisyo, kundi sa araw-araw na pagpiling manindigan para sa kapakanan ng nakararami.
Sa pagkilala at pag-unawa kung sino ang mga bayani ng kasalukuyan, hindi natin binabawasan ang kadakilaan ng mga bayani ng nakaraan. Sa halip, higit nating nauunawaan ang kabuluhan ng kanilang ipinaglaban. Ang kanilang tapang ang nagbukas ng puwang upang tayo ay makapagsalita, makapagtanong, at makapanindigan. Ngunit ang kalayaang minana natin ay may kaakibat na pananagutan: ang huwag maging tahimik sa harap ng kawalang-katarungan, ang huwag pumikit sa kabila ng paniniil ng baluktot na sistema, at huwag hayaang manatili sa kasaysayan lamang ang mga adhikaing minsang ipinaglaban para sa atin.
Nakikiisa ang UP Mindoreños sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani bilang isang organisasyong kumikilala at tumatanaw sa mga taong nag-alay ng kanilang sarili para sa bayan. Sa panahon ng takot, kawalan ng kapanatagan, at patuloy na mga hamon sa lipunan, naniniwala ang organisasyon na ang paggunita ay higit pa sa pagbibigay-pugay. Ito ay isang panawagan na kilalanin ang kabayanihan bilang isang patuloy na pananagutan—ang gamitin ang ating tinig, kakayahan, at paninindigan upang makilahok sa paghubog ng lipunang mas makatarungan para sa lahat. Naninindigan ang UP Mindoreños sa hanay ng mga bayani—mula noon hanggang ngayon—bitbit ang mga adbokasiyang patuloy na nananalaytay sa bawat hamon ng pagiging Pilipino.
Sapagkat ang kabayanihan ay hindi natatapos sa kung ano ang nasimulan ng nakaraan. Nagpapatuloy ito sa bawat boses na tumututol sa mali, bawat pagkilos na kumakalinga sa kapwa, at bawat paninindigang inuuna ang bayan higit sa pansariling interes. Dahil ang diwa ng mga bayani ay nabubuhay sa bawat henerasyong handang manindigan.