04/08/2026
OPISYAL NA PAHAYAG
Mariing kinokondena ng pamunuan ng Pinagkawitan Integrated National High School (PINHS) ang pagkalat ng isang nakababahalang mensahe na inilathala ng isang dummy account sa Facebook at screenshot ng isang conversation ng dalawang tao. Ang naturang post ay naglalaman ng mga pahayag na maaaring ituring na banta sa seguridad ng ating paaralan at nagdulot ng pangamba sa ating mga mag-aaral, g**o, kawani, magulang, at iba pang miyembro ng komunidad.
Ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad ng PINHS ang aming pangunahing prayoridad. Nagsagawa ang paaralan ng pagsusuri sa mga pasilidad nito upang matiyak na walang kahina-hinalang bagay na maaring maging banta sa kaligtasan ng mga tao sa paaralan at sa mga bahay sa paligid nito.
Ang ating mga kabalikat sa Philippine National Police (PNP) ay nagsagawa rin ng inspeksiyon sa paaralan. Nagsagawa na rin sila ng paunang imbestigasyon sa tunay na pagkakakilanlan ng may-ari ng dummy account batay sa mga impormasyong nakasaad sa kanyang post.
Sa pagtutulungan ng PNP, barangay VAWC desk officer, mga magulang, at pamunuan ng paaralan, nagkaroon ng panayam sa mga pangalang nabanggit sa screen shot at ni-refer sila sa City Social Welfare Development Office para sa mas malalim na pag-uusap upang mabigyan ng kaukulang intervention program.
Bilang pag-iingat, pinalakas ng paaralan ang pagpapatupad ng mga umiiral na security at safety protocols, kabilang ang mas mahigpit na pagbabantay sa loob at paligid ng paaralan, pagpapatupad ng mga kaukulang contingency measures, at pakikipag-ugnayan sa barangay at sa awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Nais din naming ipaalala sa publiko na ang paggawa o pagpapakalat ng bomb threat o anumang banta sa seguridad—maging ito man ay totoo, biro lamang, o ginawa gamit ang dummy o anonymous na social media account—ay isang seryosong paglabag sa batas. Ang ganitong gawain ay nagdudulot ng takot, kaguluhan, at panganib sa publiko at maaaring magresulta sa kaukulang pananagutang kriminal.
Hinihikayat namin ang lahat na manatiling kalmado, maging mapanuri, at iwasang magbahagi o magpalaganap ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng higit pang pangamba. Ang sinumang may mahalagang impormasyon ukol sa insidenteng ito ay hinihiling naming makipag-ugnayan agad sa pamunuan ng paaralan o sa pinakamalapit na himpilan ng kapulisan.
Patuloy na naninindigan ang Pinagkawitan Integrated National High School sa pagpapanatili ng isang ligtas, maayos, at mapayapang kapaligiran sa pagkatuto. Makakaasa ang ating mga mag-aaral, magulang, at iba pang stakeholders na patuloy kaming makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang seguridad ng ating paaralan at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala, pakikiisa, at suporta.
Para sa kaalaman at wastong gabay ng lahat.