07/08/2024
‘NO COLLECTION POLICY’ SA LAHAT NG PAARALAN: PAALALA NG DEPED
Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng paaralan, publiko man o pribado, na bawal magpataw ng anumang bayad sa mga mag-aaral at g**o sa panahon ng enrolment at sa anumang oras sa loob ng taong pagtuturo.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 41, s. 2024, o ang "Reiteration of the 'No Collection Policy' in Schools," ipinag-utos ni Education Secretary Sonny Angara na ipatupad ang patakaran na nagbabawal sa pagbebenta ng tiket o pagkolekta ng anumang uri ng kontribusyon mula sa mga mag-aaral at g**o sa lahat ng paaralan, kolehiyo, at unibersidad.
Ang pagbabawal na ito ay para sa anumang proyekto o layunin, maging boluntaryo man o hindi.
Gayunpaman, hindi sakop ng patakaran ang mga bayad sa pagiging miyembro ng Red Cross, Girl Scouts of the Philippines, at Boy Scouts of the Philippines. Hindi rin sakop ang mga kontribusyon ng mga magulang at iba pang mga donor at stakeholder.
Ayon sa Republic Act No. 4206, ang mga hindi susunod sa patakaran ay mapaparusahan ng multa o pagkakakulong ng hindi hihigit sa isang buwan, o pareho, depende sa hatol ng korte.
Pinaalalahanan din ang mga tauhan ng DepEd na iwasan ang hindi nararapat na pangungulit at pagkolekta ng kontribusyon, gaya ng nakasaad sa DepEd Order No. 49, s. 2022, na kilala rin bilang "Amendments to DO No. 47, s. 2022, or the Promotion of Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education and Programs and Services."