16/08/2026
CONGRATULATIONS, TALAGA ES KARAKULTURA DANCERS!
Buong puso naming binabati ang ating mga mag-aaral na bumubuo ng Talaga Elementary School Karakultura Dancers sa inyong mahusay, makulay, at buong-pusong pagtatanghal sa Street Dance Competition ng Karakultura Festival 2026.
Maaaring hindi man natin naiuwi ang tropeo, ngunit naiuwi naman natin ang pagmamalaki, karanasan, at karangalang ipinakita ninyo. Ipinamalas ninyo ang inyong talento, tiyaga, disiplina, tapang, at pagmamahal sa kultura. Sa bawat galaw, ngiti, at hakbang, ipinakita ninyo ang tunay na Tatak Talaga ES—Tatak Galing, TatakKarakultura!
Sa ating mga mahal na bata, maraming salamat! ❤️
Salamat sa inyong pagsisikap, pagtitiis sa mahabang ensayo, at pagbibigay ng inyong buong puso sa laban. Kayo ang tunay na panalo sa puso ng buong Talaga ES Community!
Sa mga magulang ng ating mga mananayaw, maraming-maraming salamat sa walang sawang suporta, pag-unawa, paghahatid at pagsundo, at sa pagtitiwala sa kakayahan ng inyong mga anak. Ang inyong suporta ang naging malaking bahagi ng kanilang tagumpay. ❤️
Taos-puso rin ang aming pasasalamat sa ating mga katuwang sa tagumpay : Pamunuan ng PTA, sa pangunguna ni G. Wycliff Manalo ; Sangguniang Barangay sa pamumuno ni Kgg. Regina C. Corona;
at Sangguniang Kabataan sa pangunguna ni Kgg. Jacent Dave Martinez , sa pagpapakita ng walang sawang suporta at pagbibigay-halaga sa kakayahan at talento ng ating mga batang talagueno.
Sa ating mga g**o sa pangunguna ni Mam Gina C. Flores, mga choreographers, volunteers, at lahat ng naging bahagi ng paghahanda—maraming salamat sa inyong oras, talento, tiyaga, at pagmamahal sa ating mga bata.
Ito'y isang laban na puno ng sipag, puso, at dedikasyon, na may tagumpay na hindi kailanman masusukat ng tropeo.
KAYO ANG AMING KARANGALAN!
KAYO ANG AMING INSPIRASYON!
KAYO ANG TUNAY NA TALAGA ES KARAKULTURA DANCERS!