14/10/2019
Dagli: IPINASOK, ISINAGAD
Orihinal na isinulat ni: Renz Nicole S. Rafols
Pumasok ako sa banyo ng aming bahay para maligo. Nang matapos ay lumabas na ako at pumunta sa aking kwarto. Pagbukas ko ng pinto, nadatnan ko na naman ang aking bestfriend na ginagamit ang aking cellphone. Naglalaro na naman siguro ito.
“Hoy babae! diba sabi ko sayo, kapag gagamitin mo ang phone ko ay magsabi ka sa akin?” pambubungad ko sa kanya.
“Hehe, sorry na po” paghihingi nito ng tawad.
“Umuwi ka na nga, kagabi ka pa rito. Tinawagan ako ni tita kanina, tinanong kung saan kana naman nagpupunta” pagsisinungaling ko.
Tumayo siya sa aking k**a at ibinigay sa akin ang phone ko. Pagkatapos ay nagpaalam na siyang umuwi. Takot atang mapagalitan ni tita. Nang ako nalang mag-isa sa kwarto, binuksan ko ang aking phone at nag-facebook. Nagtaka naman ako nang makitang hindi ko na log-out ang account ko. Sana nga lang ay hindi ito pinakialaman nung babaeng yun at naglaro nalang.
Ipinagsawalang bahala ko nalang ang kaisipang iyon, sa pag-aakalang hindi ganung klase ng tao ang bestfriend ko. Inumpisahan ko nang i-stalk ang account ng aking crush. Habang ginagawa ko iyon ay bigla akong nagkaroon ng lakas ng loob na i-chat siya.
“Hi” pag-uumpisa ko.
Mas lalong bumilis ang tibok ng aking puso ng mag-reply ito ng “hello”
Kusa kong ipinasok ang aking sarili sa sitwasyong ito, kaya isasagad ko na ang panghaharot sa kanya. Humaba ang aming conversation hanggang sa naging close na kami at hindi na ako naiilang sa kanya. Hanggang umabot sa puntong nagkaroon ako ng lakas ng loob na umamin sa kanya. Tila kiniliti ang aking puso ng mabasa ang katagang “typing” sa screen.
“Uhm, actually matagal nadin kitang crush. Sadyang torpe lang ako.”
Napasigaw ako ng malakas ng mabasa ang mensahe niya. Hindi ako makapaniwalang crush din pala ako ng lalaking ito. Habang ako’y nagwawala sa k**a ay biglang kumalabog ang pinto ng aking kwarto. Pagtingin ko ay nakita ko ang aking bestfriend na hingal na hingal habang hinahabol ang kanyang hininga.
“Hoy bobita, ba’t ba ganyan ang itsura mo? sumali kaba ng karera?” pagtatanong ko sa kanya.
“Alam moba, crush din pala ako ng crush ko, kanina ko lang nalaman nang umalis ka, kinilig nga ako ng sobra eh” pagmamayabang ko.
“Huy, magsalita ka nga, ba’t kaba bumalik?”
Nang siya’y naging okay na ay tumayo siya ng maayos at nagsalita.
“Yung account ko, diko na log-out.”
“Aysus, yun lang pal-
Hindi na ako natapos magsalita nang maproseso ng aking utak ang kanyang sinabi. Kaya pala may account na hindi naka log-out sa phone ko, account niya pala yun at hindi akin. Kinabahan ako ng todo. Hindi pwedeng facebook account niya yun, hindi talaga. Masasayang lang ang effort ko na paibigin at yung crush ko. Ang sakit, ang sakit talagang malaman na yung bestfriend mo ang gusto ng taong hinahangaan mo. Pero kahit ganun, humugot ako ng lakas ng loob at kumapit sa pag-asang may posibilidad pa na bawiin niya ang kaniyang sinabi.
“A-ano kam-mo?” kinakaban kong pagtatanong.
Bakit bigla akong napasok sa sitwasyong ito? Dahil ba isinagad ko ang panghaharot sa crush ko? Kung hindi ko sana ipinasok ang aking sarili sa sitwasyon kanina, at hindi isinagad ang panghaharot, hindi siguro mangyayari ang ganitong bagay.
Habang hindi pa siya sumasagot, pinilit ko ang aking sarili na tanggapin kahit ano mang isasagot niya. Hinanda ko na ang aking sarili na damhin ang sakit at hapdi. Atleast nagkaroon ako ng pagkakataon na maka-chat ang crush ko, bilang ibang tao nga lang, pero pinilit ko ang aking sarili na okay nayung ganung experience.
Napahawak ako sa aking dibdib nang magsalita siya.
“Ang account ko nga, hindi ko nalog-out. Kaya nagmamadali akong bumalik dito. Baka laruin mo pa yung account ko, cancer kapa naman, baka ubusin mo yung stars ko at bumaba lang ang rank ko. Kaya bumalik ako para ilog-out yung account ko sa mobile legends.”