03/08/2026
๐๐ผ๐๐๐ผ๐๐๐ฟ
May tulay na sa bawat tawid, may naiiwan,
sa bawat hakbang, may nakalilimutan. Ito ba ang tulay patungo sa malawak na kaalaman? O tulay na patungo sa paglimot ng ating pagkakakilanlan?
Ang sagot, marahil ay wala sa alinman sa dalawa, kundi sa kung paano natin ito tatawirin. Sa isang mundong walang tigil ang pag-inog ng panahon, may bagong liwanag na unti-unting sumisikat sa abot-tanaw ng ating wikaโang Artificial Intelligence.
Tulad ng bukang-liwayway na naghahatid sa pagitan ng dilim at liwanag, binabagtas nito ang landas ng ating pagkatuto, pakikipagtalastasan, at paglikha. Tayo ngayon ay nasa mismong sandali ng pagtawid, nakatayo sa pagitan ng nakagisnang paraan at ng makabagong panahon. At sa bawat hakbang, hindi maiiwasang itanong: pagdating sa kabilang pampang, tangan pa kaya natin ang sariling wika, o naiwan na natin ito sa kabilang dako ng kasaysayan?
May mga nangangamba. Takot silang sa bawat pindot ng keyboard, sa bawat tugon ng makina, at sa bawat saglit na pinadadali ng teknolohiya, unti-unti ring humihina ang tinig ng sariling wika. Paano kung ang bawat pagmamadali nating kalimutan ang wika ay isa palang unti-unting pagsayang sa dugong ibinuwis ng ating mga bayani para tayo'y magsalita nang malaya?
Gayunpaman, hindi dapat nating ituring na kalaban ang AI. Hindi ito bangin na dapat katakutan, kundi tulay na maaaring magsilbing daan patungo sa mas malawak na kaalaman. Ang tunay na hamon ay hindi ang pagtayo ng tulay, kundi ang paraan ng ating pagtawid. Kung gagamitin nang tama at may pananagutan, maaari itong maging daan tungo sa mas malawak na akses sa impormasyon, matibay na sandigan ng pananaliksik, at buhay na sisidlan ng yamang lingguwistiko ng Wikang Filipino at iba pang katutubong wika sa Pilipinas.
Sa maingat na paggamit, nagiging daan ang AI upang higit pang mapalawak ang pananaliksik, mapabilis ang pagkatuto, at mapangalagaan ang mga wikang minsang nanganganib malimutan.
Patunay rito ang mga proyektong tulad ng Mindanao NLP Laboratory sa Davao, na nagsasalin, nagtitipon, at nagsasanay ng mga modelo ng AI gamit ang mismong tinig ng ating mga katutubong wika. Sa halip na maging dahilan ng paglimot, nagiging katuwang ito sa pagpapatuloy ng ating pamana.
Ang tunay na lakas ng AI ay hindi nasusukat sa dami ng impormasyong kaya nitong ibigay, kundi sa paraan ng paggamit natin dito. Habang patuloy na umuunlad ang teknolohiya, nananatiling tao ang nagbibigay ng diwa sa bawat salita. Ang Wikang Filipino ay hindi mawawala kung patuloy natin itong isasabuhay, gagamitin, at yayakapin, kasama ang AI bilang katuwang, hindi bilang kapalit.
Kaya habang patuloy nating tinatawid ang tulay ng makabagong panahon, huwag nating hayaang maiwan sa kabilang pampang ang Wikang Filipino. Sapagkat hindi ang AI ang tatawid para sa atin. Tayo ang dapat tumawid na bitbit ang ating wika, kultura, at ang ating pagkakakilanlan. Sapagkat ang tunay na panganib ay hindi ang AI na natutong magsalita, kundi ang taong nakalimutang magsalita para sa sariling wika.
Kaya't ngayong Agosto 1โ31 sabay-sabay nating ipagdiwang ang Buwan ng Wika. Gamitin, mahalin, at ipagmalaki ang Wikang Filipino, sapagkat ito ang tulay na nag-uugnay sa ating nakaraan, kasalukuyan, at kinabukasan.
โ๐ป: Krizzsha Jane Trespecios
๐ผ๏ธ: Daenielle Bestes