25/06/2025
Spoken Word Poetry para sa ALS Graduation 2025
Ngayong araw...
Ang bawat pangalan sa listahan ng pagtatapos,
Ay hindi lang letra o numero —
Kundi kwento ng laban, ng pagpupunyagi,
Ng mga pangarap na minsang nabitin sa ere,
Ngunit ngayon, buo na… buo na muli.
Mga bisita naming ginigiliw —
Kgg. Voltaire B. Reynes II,
Salamat sa pagdalo, sa pagbibigay inspirasyon,
Sa kwentong may layag ng pagpupursige,
At sa bawat salitang humaplos sa puso ng bawat isa rito.
Palakpakan po natin siya — hindi dahil sa titulo,
Kundi sa kabutihang kanyang dala.
Mayor Wilfredo Rex Oliva,
Kasama ng mga Punong Barangay, Kagawad,
Mga kaagapay naming mula sa pamahalaan —
Salamat sa pagbubukas ng pinto,
Sa pagpapagamit ng entablado,
Sa pagbigay ng tunog, ilaw, at espasyo,
Na tila simbulo ng inyo ring pagsuporta sa aming adhikain.
Sa SDO Iriga —
Sir Mariano De Guzman, Ma’am Maylani Galicia, Ma'am Rechie Salcedo, Sir Jerson Toralde, Sir Noel Cabaltera —
Kayo ang poste ng pagbabagong patuloy naming nilalaban,
Sa bawat memo, pagbisita, meeting, at pasensya —
Salamat.
Dahil sa likod ng sistemang papel —
May puso. At ang puso, kayo iyon.
Kay Jail Warden Freddie Caballero,
Kayo po ang tagapagbukas ng liwanag
Sa mundong panandaliang nakapikit.
Sa mga PDL learners,
Ang ALS ay hindi lang pag-aaral —
Kundi pag-asa.
At kayo ang naging tulay noon.
Sa mga punungg**o ng ALS SHS —
Sir Celito, Ma’am Meriam, Sir Jonjon —
Salamat sa hindi pagtanggi,
Salamat sa pagyakap sa mga mag-aaral naming may bitbit na kwento —
Hindi textbook, hindi modules —
Kundi tunay na buhay, at tunay na pangarap.
Sa mga g**o ng ALS —
Mga g**o naming hindi lang nagtuturo ng “A, B, C”
Kundi nagtuturo ring lumaban, bumangon, magmahal,
Saludo po ako sa inyo.
Hindi kayo nabibili sa sahod —
Pero kayo ang yaman ng sistema.
Sa dalawang okasyong kay bigat,
Encampment, Graduation, pagpaplano —
Pero hindi niyo tiniklop ang inyong pakpak.
Kayo ang dahilan kung bakit
SDO Iriga ang may pinakamataas na pumasa sa buong rehiyon.
Oo. Totoo.
At dapat lang kayong palakpakan.
Sa mga magulang,
Kayong naging unan sa pagod,
Pangarap sa gabing walang tulog,
At kamay sa bawat pagluha ng inyong anak —
Maraming salamat.
Kayo rin ay nagtapos —
Sa pangarap nilang sinabayan ninyo ng panalangin.
At sa inyo, mga magsisipagtapos —
Hawak ninyo ngayon ang pruweba,
Na kahit saan ka man nagsimula,
Kaya mong makarating.
Ang ALS ay hindi daang luma —
Ito ay daang totoo.
Daan ng puso, ng paghihintay,
Ng dasal, ng lakas,
At higit sa lahat — ng pagbangon.
Kayo, ALS Batch 2025,
Ay hindi lang mga mag-aaral na nagtapos —
Kayo ay mga ilaw.
Ilaw ng pag-asa.
Ilaw ng Bagong Pilipinas.
Kaya tumindig kayo,
Ituloy ang laban,
At ipagsigawan sa mundo:
“Ako ay mula sa ALS —
At ako ay handa nang mangarap,
At handang magsilbi.”
Maraming salamat, at mabuhay tayong lahat!