10/08/2026
AFMNHS Teen Center 2.0 “Balay Agubay” pormal na binuksan sa Miagao
MIAGAO, ILOILO— Hindi naging hadlang ang masamang panahon para matagumpay na ginanap ang pormal na pagbubukas at opisyal na pagsasalin sa pangangalaga ng Alejandro Firmeza Memorial National High School (AFMNHS) ang Teen Center 2.0, na tinaguriang “Balay Agubay,” nitong Agosto 10, 2026 sa Barangay Aguiauan, Miagao, Iloilo.
Pinangunahan ng Provincial Population Office sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan ng Iloilo kaagapay ang Pamahalaang Bayan ng Miagao ang seremonya na dinaluhan nina Governor Arthur R. Defensor Jr., Miagao Municipal Mayor Hon. Oscar “Richard” S. Garin Jr., Provincial Population Officer Atty. Ruel Von D. Superio, at iba pang opisyal ng lalawigan, munisipyo, paaralan at barangay.
Sa kaniyang keynote message, binigyang-diin ni Gov. Defensor na ang Teen Center ay isang ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral kung saan maaari nilang paunlarin ang kanilang sarili, matuto at makahingi ng gabay, habang hinikayat silang gamitin at pangalagaan ang pasilidad.
Ipinahayag din ng gobernador na magsisilbing tahanan ng Program for Resilience of Iloilo in Mind and Emotion (PRIME) ang Teen Center upang maging mas accessible sa mga mag-aaral ang counseling at iba pang serbisyong susuporta sa kanilang psychosocial well-being.
Samantala, ipinaliwanag ni Atty. Superio na ang proyekto ay bahagi ng Adolescent Health and Youth Development Program ng Provincial Population Office na naglalayong mapaunlad at mapalakas ang mga kabataan sa Iloilo.
Ayon kay Superio, ang teen center ay hindi lamang dagdag na pasilidad sa paaralan kundi isang ligtas na lugar para sa oportunidad, pagkamalikhain at pamumuno na humuhubog sa kabataan bilang responsable at aktibong katuwang sa pag-unlad ng lalawigan.
Tampok sa seremonya ang turning over ng key of responsibility, ribbon-cutting at unveiling ng marker, kasabay ng pamamahagi ng mga aklat at kagamitang pang-isports upang magsilbing ligtas na espasyo ang Balay Agubay para sa paghubog ng mga mag-aaral at pagpapaunlad ng kanilang potensiyal.