20/08/2026
Hindi ako susulat ng 75 kapalit ng mga rekord mong blangko.
Hindi ako susulat ng 75, kahit pa ang iyong ina ang magreklamo.
Hindi ako susulat ng 75 kung hindi man lang kita nakitang gumawa sa klase ko.
Hindi ako susulat ng 75, lalo na’t alam kong sa akin ay hindi ka natuto.
Noong mga panahong sa pagtuturo’y halos tumambling ako, hindi ba’t naroon ka lang sa dulo—panay ang daldal at tawa? Kaya bakit naman ako susulat ng 75 para sa’yo?
Naalala mo ba kung ilang beses kitang hinintay sa remedial, na kahit anino mo’y hindi sumipot? Kaya’t:
Hindi ako susulat ng 75 para lang tumaas ang ratings ng IPCRF ko, kahit pa ang pagkukulang mo’y isisi sa akin ng gobyerno.
Patawad—hindi ako susulat ng 75; hindi dahil ako’y maramot, kundi dahil ito na lamang ang tanging kabig na mayroon ako.
Hindi ako susulat ng 75 para siraan ang buhay mo, bagkus ito ang paraan ko upang ipakita ang malasakit ko sa’yo.
Patawad kung hindi kayang isulat ng aking kamay ang 75 kapalit ng natitira kong maliit na respeto para sa sarili at sa trabahong ito.
Patawad—sapagkat para sa akin, pinaghihirapan ang bawat 75 na inilalagay ko.
Isa pa…
“HINDI KA LANG PANG-75. HIGIT PA RITO ANG KAYA MO. KAYA’T UMAYOS KA, AT BAGUHIN ANG BUHAY MO.”