22/02/2023
Ngayong araw ay ang Miyerkules ng Abo o mas kilala sa katawagang "Ash Wednesday". Ito ang paglalagay ng abo sa noo ng mga katoliko, bilang tanda ng ating "mortality", Ito rin ay isang hudyat na nagsimula na ang panahon ng kuwaresma
KUWARESMA
"Quadragesima” sa Latin. Kahuluga’y “apatnapu, 40."
Ang Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob (repentance), pag-aayuno at paghahanda sa pagdating ng muling pagkabuhay (Easter). Ito’y panahon ng pagninilay at pagtitika, marubdob na pananalangin, panlilimos, pagbabayad-sala at pagkakait-sa-sarili laluna ng pagnanasa sa mga makamundong bagay.
Ito’y apatnapung araw na pag-aalaala sa apatnapung araw na pag-aayuno ng Panginoong JesuKristo sa ilang, sa pangingibabaw Niya laban sa tukso ni Satanas.
Sa kalendaryo ng ating Liturhiya, ang Kuwaresma ay nag-uumpisa sa Ash Wednesday, patuloy sa anim (6) na linggo at nagtatapos bago mag-Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday).
Ngayong nagsimula na ang panahon ng kuwaresma, tayo ay magsisi, magnilay-nilay at isagawa ang pag-aayuno at abstinensya. Ilaan ang sarili sa pag darasal, pagbibigay, at pagkakawang gawa.