02/03/2026
9 Daang Hainut,
Gante
Ika-22 ng Setyembre, 1891
KAPATID KO:
Sa wakas ay makahihinga na ako nang malaya at maligaya; buong pangangambang hinihintay ko ang iyong hatol! Dumating din ito.¹ At bagaman nararapat kong akalaing doo’y may malaking pag-aalang-alang, gayunma’y maaari akong tumingin sa kinabukasan na taglay ang pagtitiwala at umasa sa aking kapalaran. Ninais ko sanang ibuhos ang lahat ng aking nalalaman, ang buong utak ko, ang lahat ng damdamin ko sa mga dahon ng aking aklat;¹ᵃ datapuwa’t hindi ako pinagkalooban ng pagkakataon upang magawa iyon ng aking mga tauhan at wala rin namang sapat na puwang. Binabalak kong sumulat ng ikatlong nobela,² isang nobela sa makabagong kahulugan ng salitang ito; datapuwa’t dito, ang pulitika’y hindi magkakaraoon ng malaking puwang; ang kagandahang-asal ay siyang magiging pangunahing paksa; ang tanging haharapin ko’y ang mga kaasalan at kaugalian ng mga Pilipino; magkakaroon ng dalawang Kastila lamang, ang kura at ang tinyente ng guwardiya sibil. Ninanais kong maging mapagpatawa, mapanudyo, at matalino; ninanais kong humagkis at humalakhak, humalakhak sa pagitan ng mga luha, alalaong baga’y tumangis nang buong kapaitan.
Tatanggap ka ng anim na sipi;³ ang isa’y para sa ating kaibigang Czepelack at ang matitira ay para sa iyo; maaari mong gawin sa mga iyon ang balang manais mo. Nang taong nakaraan ay bumayad ka ng napakamahal para sa isang Morga; hindi ko nalalaman iyon, at dinamdam ko nang di-sapala at nakapagpahirap ng aking loob nang maraming oras; tuwing nagugunita ko iyon, ay nagngingitngit ako sa aking sarili.⁴ Hindi malalaunan at tatanggap ka ng isang siping may pabalat, may pag-aalay at may larawan. Ang siping nasa iyo ay maaari mong ipamigay. Sakaling ninanais mo pa ang ibang sipi, ay ipinamamanhik ko sa iyong sabihin mo sa akin, sapagka’t sa ibang paraan ay mabibili mo iyon nang napakamahal at ang gayo’y daramdamin ko.
Kailangang bumalik ako sa Pilipinas. Ang buhay dito’y nagiging napakabigat na pasanin para sa akin; kinakailangan kong magbigay ng halimbawa nang hindi pagkatakot sa kamatayan sukdang ito’y maging kakila-kilabot; tangi sa rito, marami ang dumaraing laban sa akin na ako umano’y gumagawa ng gayon o ganito sa mga Pilipino. Ako’y may ilang lihim na kaaway, ninanais kong pumaroon upang huwag na akong makarinig ng anuman; marami na akong kaaway sa pulitika; ayokong magkaroon ng mga kaaway sa loob ng pangkatin. Yayao akong sasalubungin ang aking kapalaran.⁵ Sakaling ako’y mamatay, ay matitira ka; sapagka’t ang buhay sa Europa ay hindi ko na kayang bathin. Lalo pang mabuti ang mamatay kaysa mabuhay nang nagdarahop. Inaasahan kong matatapos ang ikatlong nobela ko⁶ samantalang ako’y naglalakbay. Sakaling makatanggap ako ng kuwalta ay aalis ako sa ika-4 ng Oktubre.⁷
Niyayakap ka ng Iyong kaibigan,
J. RIZAL
Sulat ni Rizal Kay Blumentritt patungkol sa balak niyang isulat ang ikatlong nobela na pinangalanang "Makamisa". Inilahad niya din ang kanyang planong muling pagbabalik sa Pilipinas, kahit ang kanyang kamatayan ay haharapin nya.