31/08/2026
𝗕𝗮𝗸𝗶𝘁 𝘀𝗶 𝗝𝘂𝗮𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗗𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗧𝗮𝘄𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻𝗶
Panyo sa balikat, habang dahan-dahang tumutulo ang pawis sa buong katawan sa gitna ng tirik ng araw. Pagod ang katawan sa samu’t saring trabahong kumakapit sa kaniyang mga kalamnan.
Tahimik. ’Di naririnig. ’Di nakikita.
𝗦𝗶𝗻𝗼 𝗻𝗴𝗮 𝗯𝗮 𝘀𝗶 𝗝𝘂𝗮𝗻𝗮?
Sa mga butil ng bigas na kinakain natin, sa bawat batang nabigyan ng karapatang mabuhay, sa mga taong nabigyan ng pangalawang buhay, sa pagkatuto natin sa loob ng mga silid-aralan, sa mga tagabantay habang tulog na ang araw, sa mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao, diyan mo makikita si Juana.
Nagsasakripisyo nang tahimik. Serbisyo ang inuuna.
Si Juana ay maaaring isang magsasaka na bago pa sumikat ang araw ay nasa bukid na, tangan ang pag-asang may maihahain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino. Maaari rin siyang maging isang g**o na paulit-ulit na nagtuturo, hindi lamang ng mga aralin, kundi ng pangarap sa mga batang unti-unting hinuhubog ng lipunan. Maaari siyang maging isang nars o health worker na nag-aalaga sa may sakit kahit sarili niyang pagod ay hindi na niya maipakita. Maaari siyang maging isang guwardiya na nagbabantay habang ang karamihan ay mahimbing nang natutulog.
Maaari rin siyang maging ikaw, dahil si Juana ay hindi lamang isang pangalan, siya ay larawan ng isang Manggagawang Pilipino na patuloy na kumikilos kahit walang palakpak, patuloy na nagbibigay kahit walang kapalit, at patuloy na nagsisilbi kahit walang nakakakita.
Hindi naman kailangang nasa pahina ng mga aklat ang pangalan ni Juana para masabing may naiambag siya. Hindi kailangang may monumento para kilalanin ang kaniyang sakripisyo. Sapagkat sa bawat araw na pinipili niyang maglingkod, may buhay na naaabot. Sa bawat pagod na kaniyang tinitiis, may pamilyang napapaginhawa. Sa bawat maliit na kabutihang kaniyang ginagawa, may mundong kahit kaunti ay gumagaan.
Ngunit kung ganoon, 𝗯𝗮𝗸𝗶𝘁 𝗻𝗴𝗮 𝗯𝗮 𝘀𝗶 𝗝𝘂𝗮𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗱𝗮𝗽𝗮𝘁 𝘁𝗮𝘄𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗯𝗮𝘆𝗮𝗻𝗶?
Hindi dahil siya ay may kapangyarihan. Hindi dahil siya ay sikat. Hindi dahil siya ay may gintong rebulto o pangalan sa mga pahina ng kasaysayan. Bayani si Juana dahil pinili niyang tumulong kahit kaya naman niyang unahin ang sarili. Bayani siya dahil sa gitna ng kakulangan, may naibibigay pa rin. Sa gitna ng pagod, nagpapatuloy pa rin. At sa gitna ng isang lipunang madalas nakakalimot sa mga tahimik na naglilingkod, hindi siya tumitigil sa paggawa ng tama.
Ang kabayanihan ni Juana ay hindi nasusukat sa laki ng kaniyang ginawa, kundi sa lalim ng kaniyang malasakit.
Dahil ang tunay na bayani ay hindi lamang iyong nakikipaglaban sa digmaan. Bayani rin ang taong araw-araw na nakikipaglaban para mabuhay. Ang magsasakang nakikipaglaban sa gutom. Ang g**ong nakikipaglaban para sa kinabukasan. Ang manggagawang nakikipaglaban para sa pamilya. Ang tagapagtanggol ng karapatang pantao na nakikipaglaban para sa kalayaan ng lahat. At ang bawat Juana na patuloy na bumabangon, kahit ilang beses nang sinubok ng buhay.
Marahil, matagal na nating hinahanap ang mga bayani sa maling lugar. Hinahanap natin sila sa mga rebulto, sa mga monumento, sa mga pangalan ng kalsada, at sa mga pahina ng kasaysayan. Samantalang sa bawat araw na tayo’y nabubuhay, may isang Juana sa ating tabi.
Tahimik na nagtatrabaho.
Tahimik na nagsasakripisyo.
Tahimik na naglilingkod.
At marahil, bago natin muling itanong kung sino ang karapat-dapat tawaging bayani, kailangan muna nating tanungin ang ating sarili:
Kung si Juana ay hindi naghihintay na tawaging bayani para maglingkod, bakit kailangan pa natin ang mga mata ng iba upang makapagsilbi?