11/07/2026
Huling Yugto ng Recollection 2026: Grade 8, 9, at 10 Students, Naglakbay Patungo sa Mas Malalim na Pananampalataya
Matagumpay na isinagawa ang huling batch ng Recollection 2026 para sa mga mag-aaral ng Grade 8, Grade 9, at Grade 10 noong Hulyo 6–8, 2026. Sa pangunguna ni Bro. Rynmart V. Borais bilang tagapagsalita, ang mga mag-aaral ay nabigyan ng pagkakataong huminto sandali, magnilay, at muling tuklasin ang kanilang ugnayan kay Kristo.
Ang bawat baitang ay ginabayan ng natatanging tema na sumasalamin sa kanilang espirituwal na paglalakbay:
Grade 8 (Hulyo 6, 2026): “Finding Jesus: Swimming through the Rough Waters of Life”
Grade 9 (Hulyo 7, 2026): “Discipleship: Leading, Loving, Liberating, Launching”
Grade 10 (Hulyo 8, 2026): “Abide in Christ: Growing Strong in Faith and Purpose”
Sinimulan ang bawat araw ng recollection sa isang orientation na pinangunahan ni Ma’am Jonna Poblete, Christian Formation Program (CFP) Coordinator. Ipinaalala niya sa mga mag-aaral na ang recollection ay hindi lamang isang gawain ng paaralan, kundi isang “date with God”, isang espesyal na panahon upang huminto (STOP) mula sa ingay at abala ng pang-araw-araw na buhay, magnilay, at kamustahin ang sarili, ang ugnayan sa Diyos, at ang relasyon sa kapwa. Hinikayat niya ang mga mag-aaral na maging bukas sa mensahe at presensya ng Panginoon sa buong panahon ng kanilang pagninilay.
Sa mga sesyon ni Bro. Rynmart V. Borais, hinamon ang mga mag-aaral na mas kilalanin ang kanilang pagkatao bilang mga kabataang tinatawag upang mamuhay kasama at para kay Kristo. Para sa Grade 8, binigyang-diin ang paghahanap kay Hesus bilang sandigan sa gitna ng mga hamon at “magulong tubig” ng buhay. Para naman sa Grade 9, tinalakay ang tunay na kahulugan ng pagiging alagad ni Kristo, ang mamuno nang may malasakit, magmahal nang tapat, maging tagapagpalaya, at maging inspirasyon sa iba. Samantala, ang Grade 10 ay hinikayat na manatiling nakaugat kay Kristo, sapagkat sa Kanya nagmumula ang lakas, pananampalataya, at layunin sa buhay.
Bilang makabuluhang pagtatapos ng bawat recollection, isinagawa ang Processing Activity at Paraliturhiya na pinangunahan ni Ma’am Jonna Poblete. Sa pamamagitan ng isang tahimik, mapagnilay, at mapanalanging gawain, nabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na iproseso ang kanilang mga natutuhan, pagnilayan ang kanilang mga personal na karanasan, at kilalanin ang mga pagbabagong nais nilang isabuhay bilang tugon sa paanyaya ng Diyos.
Sa pagtatapos ng huling batch ng Recollection 2026, nawa’y manatili sa puso ng bawat mag-aaral ang mga aral at inspirasyong kanilang natanggap. Sa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay, iisa ang mensaheng kanilang dadalhin: hanapin si Hesus sa gitna ng mga hamon, mamuhay bilang Kanyang mga alagad, at manatiling nakakapit sa Kanya bilang pinagmumulan ng tunay na lakas at layunin.
Isang biyaya at makabuluhang paglalakbay ng pananampalataya ang naging Recollection 2026, isang paanyaya na patuloy na lumakad kasama si Kristo.