21/09/2026
๐๐๐๐๐๐๐๐๐ | ๐๐ ๐ ๐๐๐ง๐ ๐๐ฅ๐๐ง๐ ๐๐ข๐ง๐๐ข ๐๐๐ฉ๐๐ญ ๐๐๐ฆ๐๐ญ๐๐ฒ
May mga larawang kupas na sa paglipas ng panahon, mga liham na hindi na naipadala, at mga pamilyang natutong mabuhay sa kawalan ng kasagutan. Sa likod ng mga ito ay mga Pilipinong minsang nangarap, nagmahal, nanindigan, at umasa na makauuwi pa, ngunit ang kanilang mga buhay ay naputol sa isa sa pinakamabigat na kabanata ng kasaysayan ng bansa.
Noong Setyembre 21, 1972, nilagdaan ni Ferdinand E. Marcos Sr. ang Proclamation No. 1081 na nagdeklara ng Martial Law sa buong Pilipinas. Sa mga sumunod na taon, ang kapangyarihan ng estado ay ginamit sa pag-aresto at pagkulong sa mga kritiko at kalaban ng pulitika, habang naitala rin ang mga kaso ng torture at pagpatay.
Ngunit kapag nilimitahan natin ang kasaysayan sa isang petsa, isang proklamasyon, o isang pangalan ng pangulo, madaling makalimutan ang tunay na halaga nito: mga buhay.
Sa Martial Law Album ng UP Institute of Human Rights, naroon si Lorena Barros, isang estudyante, manunulat, at aktibista na nakulong dahil sa kanyang pagtutol sa diktadura at kalaunan ay napatay noong 1976. Naroon din si Macli-ing Dulag, isang lider ng Butbut tribe na tumutol sa Chico River Dam project na nagbabantang magpalikas sa mga katutubong pamayanan sa Cordillera; siya ay pinaslang sa sarili niyang tahanan. At naroon si Albert Enriquez, isang aktibista at human rights worker na dinukot noong 1985 at hindi na muling nakita.
Magkakaiba ang kanilang mga buhay, ngunit iisa ang iniwan nilang tanong sa kasaysayan: ano ang mangyayari sa isang bayan kapag ang kapangyarihan ay naging mas malakas kaysa sa tinig ng mamamayan?
Hindi lamang sila ang mga naging biktima.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10368, kinilala at binigyan ng reparasyon ang mga human rights violation victim ng rehimeng Marcos, at 11,103 claimant ang kinilalang karapat-dapat dito. Ngunit sa likod ng bawat bilang ay isang pangalan, at sa likod ng bawat pangalan ay isang pamilyang kailangang mabuhay sa pagkawala, paghihintay, o alaala.
Dito nagiging higit pa sa paggunita ang bawat anibersaryo ng Martial Law.
Dahil ang mga taon ay maaaring lumipas, ngunit hindi awtomatikong nawawala ang mga sugat na iniwan nito.
Noong Pebrero 25, 1986, bumagsak ang diktadurang Marcos kasunod ng People Power Revolution. Natapos ang isang rehimen, ngunit hindi natapos ang mga kuwentong dala ng mga nakaligtas at ng mga pamilyang naiwan.
Kaya para sa isang henerasyong hindi nakasaksi sa mga pangyayaring iyon, maaaring madaling isipin na ang Martial Law ay isang lumang kuwento na kabilang lamang sa nakaraan. Ngunit ang kasaysayan ay hindi nagiging hindi mahalaga dahil lamang sa wala na ang mga saksi sa paligid natin; sa halip, mas nagiging mahalaga ang pag-iingat dito habang unti-unting nawawala ang mga taong maaaring magsalaysay nito mula sa sariling karanasan.
Hindi natin kailangang mabuhay noong 1972 upang maunawaan kung bakit mahalaga ang kalayaan. Hindi natin kailangang makakita ng isang tao na dinukot upang maunawaan ang bigat ng pagkawala, at hindi natin kailangang maging biktima upang kilalanin ang sakit na dinanas ng iba.
Ang kailangan natin ay makinig.
Makinig sa mga nakaligtas. Basahin ang mga tala. Alamin ang mga pangalan. Suriin ang mga kuwento. At higit sa lahat, huwag hayaang mapalitan ng katahimikan ang mga katotohanang pinaghirapang panatilihin ng mga taong nauna sa atin.
Sapagkat ang pag-alala ay hindi simpleng paglingon.
Ito ay isang paraan ng pagprotekta sa kasalukuyan.
Kapag nawala ang mga pangalan, nagiging numero ang mga biktima. Kapag nawala ang mga kuwento, nagiging petsa na lamang ang kasaysayan. At kapag nawala ang katotohanan, mas madaling burahin ang pagkakaiba sa pagitan ng nangyari at ng nais lamang nating paniwalaan.
Kaya sa tuwing sasapit ang Setyembre 21, hindi lamang isang proklamasyon ang dapat nating alalahanin.
Alalahanin natin si Lorena.
Si Macli-ing.
Si Albert.
At ang libo-libong iba pang Pilipinong ang mga pangalan ay maaaring hindi natin kabisado, ngunit ang kanilang mga buhay ay bahagi ng ating pambansang alaala.
Sapagkat ang isang bansa ay hindi lamang nasusukat sa kung gaano nito ipinagdiriwang ang mga tagumpay ng nakaraan, kundi sa kung gaano ito katapat sa mga sakit na pinagdaanan nito.
Maaaring lumipas ang mga taon. Maaaring kumupas ang mga litrato. Maaaring mawala ang mga tinig ng mga unang nakasaksi.
Ngunit hanggaโt may isang Pilipinong handang alalahanin, may isang pangalan na hindi tuluyang mamamatay.
At marahil, iyon ang tunay na kahulugan ng paggunita: hindi ang patuloy na mabuhay sa nakaraan, kundi ang pagdadala ng katotohanan nito upang hindi na kailangang ulitin ng susunod na henerasyon ang sakit na minsang tiniis ng nauna.
Dahil may mga pangalang hindi dapat kalimutan.
May mga kuwentong hindi dapat patahimikin.
At may kasaysayang, gaano man katagal ang lumipas, ay hindi dapat mamatay.
โ๏ธ | ๐๐๐๐ข๐ง๐ ๐๐๐ฏ๐ข๐ฅ๐ฅ๐, ๐
๐๐๐ญ๐ฎ๐ซ๐ ๐๐๐ข๐ญ๐จ๐ซ
๐จ | ๐๐ซ๐จ๐ฒ ๐๐ง๐๐ซ๐๐ฐ ๐๐๐ญ๐ข๐ง๐ ๐๐ฅ๐ข๐ง๐ , ๐๐ซ๐๐๐ญ๐ข๐ฏ๐ ๐๐ข๐ซ๐๐๐ญ๐จ๐ซ