29/12/2023
PAGSASABUHAY NG KATAGANG “MAKING A DIFFERENCE AS WE RESPOND TO THE VOICE OF CREATION”, BINIGYANG KULAY NG LCCD BATCH ‘95
Sa pagdiriwang ng nalalapit na ika-30 anibersaryo ng La Consolacion College of Daet (LCCD) Batch 1995 sa darating na 2025 ay ang kanilang makabuluhang hangarin na pinamagatang "30 Good Deeds" na nakaangkla sa kanilang tagline na “Making a difference as we respond to the Voice of Creation”. Mithiin ng nasabing gawain na makapagbalik sa kapwa at komunidad. Parte ng aktibidad na ito ang magsaggawa ng mabubuting hangarin na hindi lamang nakapokus sa pagbibigay regalo ngayong kapaskuhan kundi pati na rin ang gumawa ng makabuluhang aksyon na makakatulong sa pagtugon sa kinaharap na isyu sa kalikasan. Isa na rito ang pagtatanim at aksyon sa pagbawas ng paggamit ng plastic.
Sa kanilang pagbuno sa 30 Good Deeds na kanilang gugugulin hanggang sa taong 2025 ay nagsaggawa ang grupo ng gift giving activity nitong ika-23 ng Disyembre, 2023, sa mga residente ng Halfway House sa Brgy. Bagasbas, Daet, at Bahay Pag-asa sa Sitio Mat-I, Brgy. Sto. Domingo Vinzons, sa pangunguna ng kanilang Batch President na si Arlene Galvez, at Vice President Adrian Padrigon. Ayon sakanila, nais ng samahan na makapagbigay saya sa mga bata ng parehong kanlungan at mas lalong ipadama sa bawat isa ang simoy ng Pasko. Bukod pa rito, layunin din umano na magsilbing inspirasyon sa mga kabataan upang mas lumawig pa ang pagkakawanggawa.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente pati na rin ang mga namumuno at iba pang mga staff sa mga nabanggit na kanlungan. Dasal ng mga ito ang patuloy na pagserbisyong bukal sa loob at puso.