25/08/2026
Bumisita ang SDS ng Cotabato Division sa Antipas Central ES para inspeksyunin ang pinsala ng sunog
ANTIPAS, COTABATO– Personal na bumisita ngayong umaga ang Schools Division Superintendent ng Cotabato Division na si G. Romelito G. Flores, CESO V sa Antipas Central Elementary School upang alamin ang aktwal na pinsala ng sunog na sumiklab kahapon, August 24, 2026, alas 6:35 ng gabi.
Kasama ni SDS Flores sa pagbisita sina G. Julie Lumogdang, SGOD Chief, at iba pang kawani ng Division Office. Sinalubong sila ng mga g**o at kawani ng paaralan sa pangunguna ng punong-g**o ng Antipas Central ES na si G. Ian R. Tenorio.
Ayon sa paunang ulat, dalawang gusali ang lubusang natupok ng apoy (na kasalukuyang stock room ng paaralan). Apektado rin ang katabing instructional building para sa Grade 6 - Melchora Aquino kung saan nasunog ang bahagi ng kisame nito.
Sa isinagawang inspeksyon, sinuri ng SDS at ng kanyang grupo ang lawak ng pinsala sa mga silid-aralan, kagamitan, at learning materials na naapektuhan ng insidente.
Matapos ang ocular inspection, agad na nagbigay ng rekomendasyon si G. Flores para sa immediate repair ng instructional building lalo na ng Grade 6- Melchora Aquino. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mabilis na assessment ng mga kagamitan at dokumento na nasira upang mapabilis ang paghingi ng tulong at suporta mula sa Division Office at mga partner agencies.
Patuloy naman ang koordinasyon ng Antipas Central ES sa Bureau of Fire Protection at sa Local Government Unit ng Antipas para sa imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog at para sa posibleng relief at rebuilding assistance.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.