07/09/2026
MAHIGIT 200 HAFIDH, MAGTATAPAT SA MUSABAQAH NG 4 NA QUR’ANIC CENTER SA ILALIM NG TMDF
SULTAN KUDARAT, Maguindanao del Norte — Nagsagawa ng isang pagtitipon para sa mga nagsasaulo ng Banal na Qur’an ngayong araw ng Lunes, Setyembre 7, 2026 sa pamamagitan ng "Musabaqah" na pinagsama-sama ng apat na Qur’anic Memorization Center sa ilalim ng The Mindanao Da’wah Foundation, Inc. o TMDF na ginanap sa Markadz Usngan.
Ang mga kalahok na sentro ay ang Maqaari Assayyed Tucao Mastura Lil Qur’anil Kareem, Maqaari Assayyed Al-Lawi Lil Qur’anil Kareem, Maqaari Assayyed Aisha Lil Qur’anil Kareem, at Maqaari Assayyed Hadiguia Lil Qur’anil Kareem.
Ayon sa TMDF, aabot sa mahigit 200 na mga mag-aaral na Hafidh ang lumahok sa kompetisyon. Magsusukatan sila ng galing sa pagbasa, pagbigkas na may tamang tajweed, pagsasaulo ng mga talata mula sa Qur’an at mag lalaro iba't ibang klaseng laro ng mga Pilipino.
Pinamumunuan ang TMDF ni Maguindanao del Norte Governor at TMDF President Datu Tucao O. Mastura.
Binigyang-diin ng pamunuan ng TMDF na ang layunin ng aktibidad ay upang mahasa ang husay ng mga nagsasaulo ng Qur’an, mapatatag ang espiritwal na kaalaman at disiplina ng mga kalahok at mahikayat ang kabataan na pahalagahan at itaguyod ang pagsasaulo at pag-aaral ng Qur’an.
Patuloy na isusulong ng TMDF ang mga ganitong programa bilang bahagi ng adbokasiya na palaganapin ang Islamic Education at palalimin ang pananampalataya sa buong rehiyon.
Samantala, personal na dumalo sa programa si TMDF President, Provincial Governor Datu Tucao Mastura kasama si TMDF Vice President, Assayyedah Jaleelah Mastura.
Kasama rin ang mga ustadz, at mga magulang ng mga kalahok na sumuporta sa kanilang mga anak.
Ayon kay TMDF President, Gov. Mastura, nakakatulong din ang Musabaqah sa kalusugan ng mga nagsasaulo ng buong Qur’an.
“Kadalasan ang mga hafidh at hafidha ay nasa kwarto lang. Kaya sa pamamagitan ng Musabaqah o competition, nagkakaroon din sila ng ehersisyo,” ani Mastura.
Tiniyak ni Gov. Mastura na patuloy na susuportahan ng TMDF ang mga ganitong aktibidad upang mahubog hindi lamang ang kaalaman sa Qur’an kundi pati ang pisikal at sosyal na aspeto ng mga kabataang hafidh at hafidha.
Inaasahan ng TMDF na magiging taunang gawain ang Musabaqah upang makapaglabas pa ng mas maraming kabataang magiging ganap na Hafidh ng Qur’an mula sa Maguindanao del Norte.