15/12/2020
Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes, Disyembre 14, ang rekomendasyon ng DepEd na magsagawa ng pilot implementation ng face-to-face classes sa mga piling paaralan sa mga lugar na may babang kaso ng COVID-19, kabilang ang mga nasa ilalim ng MGCQ, sa buong buwan ng Enero 2021.
Hindi ito gagawing requirement sa mga mag-aaral at tanging ang mga may written consent o pahintulot lamang mula sa kanilang magulang ang papayagang lumahok sa naturang trial face-to-face classes.
Isasagawa ang dry run sa pakikipagtulungan sa COVID-19 National Task Force (NTF) para sa pag-monitor ng implementasyon nito, kung saan ang DepEd, LGU, at mga magulang ay may pinagsamang responsibilidad sa pagsigurong masusunod ang health at safety standards sa bahay, sa pagpunta sa paaralan, at sa loob ng eskwelahan.
Pagkatapos ng pilot implementation sa Enero ay magsasagawa ng pinal na rekomendasyon ang Kagawaran hinggil sa mas malawak na pagpapatupad nito sa iba pang parte ng bansa.