04/08/2026
𝐄𝐃𝐈𝐓𝐎𝐑𝐘𝐀𝐋 | Pukawin ang natutulog na diwang makabayan
Masiglang bumabalot sa buong kapuluan ang diwa ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. Sa taong ito, itinakda ng Komisyon sa Wikang Filipino ang temang "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon," na naglalayong ilatag ang halaga ng ating wika sa panahon ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya. Makikita sa mga paaralan at pamayanan ang masisiglang paligsahan, mga talumpati, at makukulay na pagtatanghal na nagpaparangal sa ating wika. Subalit sa paglipas ng Agosto at pagsapit ng Setyembre, tila kasabay ring humuhupa ang sigla ng pagpapahalaga rito. Sa panahong patuloy na lumalawak ang ugnayan ng mga bansa at nagbabago ang takbo ng pamumuhay, kailan ba natin tunay na ituturing na higit pa sa taunang pagdiriwang ang wikang siyang pundasyon ng ating pagkatao bilang Pilipino?
Hindi dapat ikahon ang wikang Filipino sa isang buwang pagdiriwang. Higit pa ito sa mga patimpalak at seremonyang idinaraos taun-taon. Ang wika ang salamin ng ating kasaysayan, sisidlan ng ating kultura, at gulugod ng ating pambansang identidad. Kung patuloy natin itong aalalahanin lamang tuwing Agosto, unti-unti rin nating hahayaang kumupas ang diwa ng pagiging Pilipino.
Sa panahon ng globalisasyon, itinuturing pa rin ng marami na sukatan ng talino at tagumpay ang wikang banyaga. Hindi masama ang matuto ng iba pang wika ngunit nagiging masakit na katotohanan kapag ikinahihiya na natin ang sariling atin. Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, mahigit 130 ang katutubong wika sa bansa, ngunit 40 na rito ang nakatindig sa bingit ng pagkawala. Kapag namatay ang isang wika, hindi lamang mga salita ang naglalaho. Kasama nitong ibinabaon sa limot ang kasaysayan, karunungan, at kaluluwa ng isang buong pamayanan.
Lumalawak din ang impluwensiya ng banyagang kultura sa pamamagitan ng social media, mga panoorin, at pandaigdigang aliwan. Ayon sa datos ng DataReportal, umaabot sa 98 milyon ang gumagamit ng internet sa Pilipinas, at tinatayang 4.2 oras ang ginugugol ng bawat Pilipino araw-araw sa social media na naglalagay sa bansa sa pinakamataas na antas sa buong mundo pagdating sa paggamit nito. Halos lahat ng nilalamang kinokonsumo mula sa mga platapormang ito' galing sa ibang bansa mula sa musika, palabas, hanggang sa mga uso at pamantayan ng pamumuhay. Humuhubog sa panlasa, pananamit, pananalita, at pamumuhay ng kabataan ang kulturang banyaga kung saan halos inaaayon na sa mga uso mula sa ibang bansa ang bawat aspeto ng pang-araw-araw. Walang masama sa pagkilala sa iba ngunit nagiging pagkakamali kapag mas ginagaya at pinahahalagahan ang banyaga kaysa sa sariling pagkakilanlan.
Mas nakababahala ang maling pananaw na mas mababa ang halaga ng wikang Filipino. Nakasaad sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng 1987 Konstitusyon na ang Filipino'y wikang pambansa na dapat payabungin at gamitin sa edukasyon at opisyal na gawain. Gayunpaman, nananatiling mas pinapahalagahan ang Ingles sa paaralan, negosyo, at paghahanap ng trabaho. Sa pag-usbong pa ng makabagong teknolohiya, nasa likuran pa rin ang Filipino sa mga plataporma at sistema ng kaalaman. Kung hindi palalawakin ang paggamit nito sa pananaliksik at paglikha, unti-unting mawawalan ito ng puwang sa hinaharap. Hindi ang kakayahan ng ating wika kundi ang tunay mababang pagtingin natin rito sa sarili nating bayan.
Hindi sapat ang mga paligsahan, kasuotan, o tula tuwing Agosto kung sa natitirang labing-isang buwa'y isinasantabi naman natin ang wikang dapat na ipinagmamalaki ng bawat Pilipino. Hindi nasusukat sa palamuting salita sa entablado ang paggalang sa wika, kundi sa araw-araw na paggamit nito sa loob ng tahanan, paaralan, tanggapan, pahina ng balita, at maging sa daigdig ng teknolohiya. Nagiging hungkag ang pagdiriwang kung wala itong kaakibat na tunay na pagkilos. Hindi isinasabuhay sa isang araw ng pagdiriwang ang pagkakilanlan kundi sa bawat pagkakataong pinipili nating gamitin, ipagtanggol, at ipagmalaki ang sariling wika.
Panahon na upang gisingin ang natutulog na diwang makabayan ng bawat Pilipino. Dapat manguna ang pamahalaan, mga paaralan, midya, at bawat mamamayan sa pagpapalawak ng paggamit ng Filipino sa edukasyon, pananaliksik, makabagong teknolohiya, at pampublikong serbisyo. Higit sa lahat, dapat itong yakapin ng kabataan na siyang tagapagmana ng ating kinabukasan. Hindi sapat na ipagdiwang ang Filipino tuwing Agosto; dapat itong isabuhay sa bawat araw ng taon. Hindi nasusukat sa dami ng pagdiriwang tuwing Agosto ang tunay na pagkadakila ng wikang Filipino, kundi sa patuloy na pagpili rito bilang wika ng pag-iisip, pakikipagtalastasan, at pagkilos. Sapagkat ang bansang marunong pahalagahan ang sariling wika ay bansang may matatag na pagkakakilanlan, matibay na pagkakaisa, at buhay na pagmamahal sa bayan.
Manunulat: Roneen Ledesma
Taga-dibuho: Glyza Joy Parantar
Taga-anyo: Jeddrock Cutamora
I-follow 𝗔𝗻𝗴 𝗕𝘂𝘀𝗶𝗹𝗮𝗸 para sa lingguhang balitaan.