29/07/2026
Congratulations, Arianna Tiongko 🏆
Your hard work, perseverance, and humility reflect the true spirit of a Benedictine, inspiring others to strive for excellence while remaining grounded in faith, discipline, and service.
The entire Benedictine family is proud of you and your remarkable achievement.
𝗜𝗦𝗣𝗢𝗥𝗧𝗦 | 𝗕𝘂𝗻𝗴𝗮 𝗻𝗴 𝗜𝗻𝘀𝗽𝗶𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻: 𝗧𝗶𝗼𝗻𝗴𝗸𝗼, 𝗻𝗮𝗴𝗻𝗶𝗻𝗴𝗻𝗶𝗻𝗴 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝟯-𝗽𝗲𝗮𝘁 𝗻𝗮 𝗸𝗮𝗺𝗽𝗲𝗼𝗻, 𝗽𝗮𝘀𝗼𝗸 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗺𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗼𝗽𝗼𝗻𝗮𝗻
Iniwan sa alikabok ni Arianna Tiongko ang kaniyang kompetisyon matapos magkampeon nang 3-Peat at makapag-uwi pa ng dalawang medalya sa Palawan Pawnshop National Tennis Championships Cebu Series nitong nakaraang tag-init, tinapos niya ang serye ng mga paligsahan noong nakaraang Sabado sa Lungsod ng Cebu, matapos ding lumaban sa Naga City at Mandaue City, at dahil sa kaniyang mahusay na ipinakitang laro, napabilang siya sa Pambansang Koponan ng Pilipinas.
Nasungkit ni Tiongko ang tatlong kampeonato sa Girls 12 and Under kahit pa nakaharap niya ang mga manlalaro mula sa iba't ibang panig ng bansa. Nagwagi rin siya ng gintong medalya sa Girls Doubles 14 and Under at naging Pangalawang Kampeon sa isa pang kategorya.
Hindi lamang sa Palawan Pawnshop National Series nagningning si Tiongko, sapagkat nasungkit din niya ang medalya bilang Finalist sa Girls 12 and Under ng UTP National Championship Elite 8 Playoffs na ginanap sa San Carlos City.
“Masaya ako at sobrang pinararangalan na nabigyan ako ng pagkakataong katawanin ang aking bansa,” sinabi ng labindalawang taong gulang.
Sa likod ng kaniyang mga medalya ay ang taong nagsilbing inspirasyon niya sa bawat hakbang, ang Filipinang manlalaro ng tennis na si Alex Eala, na kinikilala bilang isa sa mga nangunguna sa pandaigdigang tennis.
Kamakailan ay gumawa si Eala ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipina na nagwagi sa isang main-draw match sa isang Grand Slam tournament. Ginulat din niya ang mundo ng tenis matapos talunin ang noo'y World No. 2 na si Iga Świątek, defending champion ng Wimbledon 2026, at ang kasalukuyang World No. 2 na si Elena Rybakina sa 2026 Berlin Open.
Pinatunayan niyang kayang makipagsabayan ng mga atletang Pilipino sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo.
“Siya ang inspirasyon ko dahil napakahusay niya at marami na siyang mga tagumpay. Maganda rin ang mindset niya dahil natalo niya ang ilan sa mga Top 10 players sa mundo,” ani Tiongko.
Habang patuloy na gumagawa ng kasaysayan si Eala sa pandaigdigang entablado, mas marami rin niyang nahihikayat na mga batang Filipinang manlalaro ng tenis na mangarap nang mas malaki at maniwalang kaya rin nilang makipagsabayan sa pinakamahuhusay sa mundo.
Higit pa sa mga tropeo at tagumpay, ang determinasyon at mindset ni Eala bilang isang kampeon ang higit na hinahangaan ni Tiongko. Ang panonood niya sa kaniyang idolo na talunin ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo ang lalo pang nagpalakas sa kaniyang paniniwalang walang pangarap na imposibleng maabot para sa isang Filipinang manlalaro ng tennis.
Dahil sa inspirasyon mula sa paglalakbay ni Eala, patuloy na hinaharap ni Tiongko ang bawat ensayo at bawat paligsahan na may iisang layunin, ang patuloy na pagbutihin ang kaniyang laro, katawanin ang Pilipinas nang may pagmamalaki, at balang araw ay maging isa rin sa pinakamahusay na manlalaro ng tennis sa mundo.
Ngayong Nobyembre, muling hahakbang si Tiongko palapit sa pangarap na iyon sa kaniyang pagrepresenta sa Team Philippines sa Malaysia, tangan ang kulay ng bansa at ang mga pangarap na patuloy na nagtutulak sa kaniya upang magtagumpay.
| Ulat ni Annika Teodorico
| Larawan kuha mula sa Pamilyang Tiongko