30/07/2026
From DepEd Tayo SDO Cavite City page
MAHALAGANG PABATID
Ipinababatid sa lahat na ang Schools Division of Cavite City ay nananatiling matatag sa pangangalaga sa kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng bawat mag-aaral, g**o, kawani, at iba pang kasapi ng paaralan.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan, Philippine National Police (PNP), mga g**o, kawani, magulang, at mga mag-aaral, natukoy na ang mga sangkot sa pagpapakalat ng mga mensahe sa social media na naglalaman ng mga banta laban sa mga paaralan sa ating dibisyon.
Kaugnay nito, mahigpit na ipatutupad ang mga itinakdang kaparusahan alinsunod sa DepEd Order No. 006, s. 2026 o ang Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment.
Para sa pananakot o pagbabanta sa kapwa mag-aaral o kawani, personal man o sa pamamagitan ng social media, na itinuturing na Second Level o Serious Offense, ang mga kaparusahan ay ang sumusunod:
Unang Paglabag – Suspensyon nang hindi hihigit sa limang (5) araw, pagsasailalim sa Alternative Learning Modality, at referral sa Social Welfare Development Office.
Ikalawang Paglabag – Hindi muling pagtanggap (Non-readmission) sa susunod na taon ng pag-aaral at referral sa Social Welfare Development Office.
Ikatlong Paglabag – Exclusion o agarang pagtanggal sa class list at referral sa Social Welfare Development Office.
Para naman sa pagdadala ng deadly weapon, paggawa ng bomb threat, o bomb joke na itinuturing na Third Level o Severe Offense, ang mga kaparusahan ay ang sumusunod:
Unang Paglabag – Hindi muling pagtanggap (Non-readmission) sa susunod na taon ng pag-aaral at referral sa Philippine National Police (PNP) o Social Welfare Development Office.
Ikalawang Paglabag – Exclusion o agarang pagtanggal sa class list at referral sa Philippine National Police (PNP) o Social Welfare Development Office.
Muling pinapaalalahanan ang lahat ng mag-aaral, magulang, at iba pang kasapi ng paaralan na umiwas sa anumang gawaing nagdudulot ng takot, pangamba, o panganib sa loob at labas ng paaralan, kabilang ang pagpapakalat ng maling impormasyon, pagbabanta, at iba pang ipinagbabawal na gawain. Ang sinumang mapatutunayang lumabag ay pananagutin at sasailalim sa kaukulang kaparusahan alinsunod sa umiiral na mga batas, patakaran, at regulasyon ng Kagawaran ng Edukasyon.
Hinihikayat din ang lahat na maging responsable sa paggamit ng social media at makipagtulungan sa pagpapanatili ng isang ligtas, maayos, at mapayapang kapaligiran sa ating mga paaralan.
Ang kaligtasan ng bawat mag-aaral at kawani ay nananatiling pangunahing prayoridad ng Schools Division of Cavite City.