21/08/2026
“The Filipino is worth dying for.” — Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Tuwing ika-21 ng Agosto, ginugunita natin si Benigno “Ninoy” Aquino Jr.—hindi lamang ang kanyang kamatayan, kundi ang buhay na inialay niya para sa bayan.
Bago pa man siya naging simbolo ng paglaban sa diktadura, kilala na si Ninoy bilang isang mambabatas na matapang na naninindigan laban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan. Nang ideklara ang Batas Militar noong 1972, siya ay ikinulong ng rehimeng Marcos, ngunit hindi natinag ang kanyang paninindigan.
Sa kabila ng pagkakataong manatili sa Estados Unidos para sa kanyang kaligtasan, pinili niyang bumalik sa Pilipinas noong Agosto 21, 1983, batid ang panganib na kanyang haharapin. Siya ay pinaslang sa kanyang pagbabalik—isang pangyayaring nagbuklod sa maraming Pilipino at naging isa sa mga mitsa ng mga pagkilos na humantong sa Rebolusyong EDSA noong 1986.
Sa paggunita sa kanyang legasiya, nawa’y maalala natin ang halaga ng kalayaan, katotohanan, at tapang na manindigan para sa bayan.
Panalangin:
Panginoon, salamat po sa mga taong nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan. Bigyan Mo kami ng tapang na manindigan para sa katotohanan, karunungang piliin ang tama, at pusong handang maglingkod sa kapwa. Nawa’y gamitin namin ang aming kalayaan upang itaguyod ang katarungan, pagkakaisa, at kapayapaan.
Amen.
✍🏻: Quian Pilit
🖼️: Eichell Magura