26/08/2026
Patimpalak sa Buwan ng Wika '26, Isinagawa sa TNHS
Ipinamalas ng mga mag-aaral ng Tubli National High School (TNHS) ang kanilang talento, kaalaman, at pagpapahalaga sa wikang Filipino sa unang araw ng mga patimpalak bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026, na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” kahapon, Agosto 25.
Kabilang sa mga isinagawang patimpalak ang Sanaysay, Katutubong Sayaw, Isahang Pag-Awit, Tagisan ng Talino, Slogan, at Poster Making, na ginanap sa iba't ibang bahagi ng paaralan.
Isinagawa ang Sanaysay sa silid ng Baitang 9-Athena, kung saan ang mga kalahok ay sina Jeanelle Salvidar at Isabel Lara Sambrano ng Baitang 11; Gabriel Robert Salvidar at Dexie Kate Pabugas ng Baitang 10; Alicia Kate Ternida ng Baitang 12; at Jhanlyn Valencia Palero ng Baitang 9.
Samantala, ginanap ang Katutubong Sayaw sa bulwagan ng TNHS, na nilahukan ng mga mag-aaral mula Baitang 8, 9, at 10. Isinagawa rin dito ang Isahang Pag-Awit, kung saan lumahok sina Xenia Belda ng Baitang 10, Lorielyn Mae Pia at Mikhaela Merl Nuñez ng Baitang 8, Nicole Yubo ng Baitang 11, Marchela Pagayanan ng Baitang 7, Jazzlyn Bernadette Hidalgo ng Baitang 12, at Cyrelle Anne T. Surban ng Baitang 9.
Isinagawa naman ang Tagisan ng Talino sa silid ng Baitang 8-Katarungan, na nilahukan ng mga mag-aaral mula Baitang 8 hanggang 11.
Samantala, ginanap sa Conference Room ang Slogan at Poster Making, kung saan ipinamalas ng mga kalahok mula sa iba't ibang baitang ang kanilang pagkamalikhain at husay sa pagpapahayag.
Pinangunahan ni Ginalyn Bondoy, G**o III at Tagapag-ugnay sa Filipino, ang pagbubukas ng mga aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Magpapatuloy ngayong araw, Agosto 26, ang mga aktibidad na Food Exhibit o Display na tampok ang Pista sa Nayon.
Kasabay nito, ihahayag din ngayon ang mga nagwagi sa mga patimpalak. Nagaganap ang mga matimpalak pagkatapos ng klase.
Ulat ni: Sheila Joy C. Dela Cruz | AngHibla
Retraro ni: Joyce E. Sapico | AngHibla
Gabriel T. Perdigon V | AngHibla