16/04/2026
EDITOR'S NOTE | RICARDO RENE P. CAMBA
The Sandscript/Ang Baybayin—Editor In-Chief for S.Y. 2024–2025 and S.Y. 2025–2026
Sa bawat kuwento, mayroong huling talata—ngunit ang huling talatang ito ay hindi nangangahulugan ng katapusan.
Sa aking dalawang taong panunungkulan bilang Punong Patnugot ng The Sandscript/Ang Baybayin—ang opisyal na pahayagan ng Guijalo National High School—nahubog ang iba’t ibang bahagi ng aking buhay, tulad ng pagbuo ko ng mga artikulo at kuwento. Magkakaiba man ng porma, ngunit iisa ang layunin—ang magmulat sa aking nasasakupan.
Hindi naging madali ang paglalakbay at pagbuhay sa diwa ng peryodismo bilang unang Editor-in-Chief ng isang nagsisimulang pahayagan. Ngunit sa kabila nito, napagtagumpayan ng aming grupo na buhayin ang diwa at isakatuparan ang layunin ng bawat estudyanteng mamamahayag.
Sa kapangyarihan ng tintang nagmumula sa panulat, hindi lamang nito binuhay ang diwa ng pahayagan sa loob ng paaralan, bagkus, ginising din nito ang aming mga natutulog na diwa upang maging mga instrumento ng pagbabago.
Kasabay ng pagtatapos ng School Year 2025–2026 ang pagtatapos ng aking termino bilang pinuno at bahagi ng pahayagang ito. Hindi madaling bitawan ang aking nasimulan, subalit ito’y nararapat, sapagkat ang lahat ng bagay ay may hangganan.
Para sa susunod na mamumuno sa samahang ito, isa lamang ang aking habilin—ibigay mo nang buo ang iyong sarili sa paglilingkod, tulad ng aking ginawa, upang patuloy na makilala at mapagyabong ang pahayagang ito.
Muli, maraming salamat sa inyong tiwala at suporta. Hangad ko ang inyong patuloy na paglago at pagyabong.