12/06/2026
Ika-128 Taong Pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan || Hunyo 12, 2026
Tema: “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan”
Nakiisa ang Bonifacio D. Borebor Sr. High School (BDBSHS) sa pangunguna ni G. Dennis S. Corporal, sa pagdiriwang ng Ika-128 Taong Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, 2026 na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.” Ang nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Caramoan sa pamumuno ni Mayor Marilyn Socorro H. Co, bilang paggunita sa makasaysayang deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas at pagpapalakas ng diwa ng nasyonalismo.
Lumahok sa programa ang mga g**o ng BDBSHS kasama ang School Band, Majorettes, Boy Scouts at Girl Scouts of the Philippines. Nagsimula ang selebrasyon sa isang makulay na parada na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya, organisasyon, at paaralan. Kabilang sa mga nakiisa ang DepEd Caramoan South District sa pangunguna ni Dr. Alex S. Arojado, DepEd Caramoan North District, at DepEd Caramoan East District, kasama ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan at iba pang organisasyon sa komunidad.
Matapos ang parada ay isinagawa ang seremonya ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas bilang sagisag ng kalayaan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan, kasunod ang programang inihanda ng LGU Caramoan.
Bilang panauhing tagapagsalita, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Dr. Marilyn Delos Santos, PSDS ng Caramoan East District. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang malalim na kahulugan ng temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.” Ipinaliwanag niya na ang kalayaan sa kasalukuyang panahon ay hindi lamang nangangahulugan ng paglaya mula sa pananakop kundi ng mga munting sakripisyo sa pang araw araw na pagtupad sa mga tungkulin bilang mamamayan at lingkod bayan. Binigyang-halaga rin niya ang kinabukasan, na nakasalalay sa mga mag-aaral na nasa loob ng silid-aralan at mga mamamayang may disiplina, integridad, at malasakit na naglilingkod sa kapwa at bayan. Dagdag pa niya, ang kasaysayan ay nagsisilbing mahalagang gabay at inspirasyon upang patuloy na pahalagahan ang mga sakripisyong ginawa ng ating mga bayani para sa kalayaang tinatamasa ng bansa ngayon. Ayon sa kanya, masmahalagang mapanatili ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kanilang kinabibilangang grupo, paniniwala o ideolohiyang politikal.
Dumalo rin at nakibahagi sa programa kasama ang iba pang pinuno ng edukasyon at pamahalaan, na nagpakita ng buong suporta sa makasaysayang pagdiriwang.
Sa kabuuan, naging matagumpay at makabuluhan ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Ang aktibong pakikilahok ng BDBSHS, LGU Caramoan at iba pang sektor ay nagpatibay ng pagkakaisa at pagmamahal sa bayan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.