12/06/2025
Kolum β’ Alaala Sa Likod Ng Bandila
ni : Zophia Roque
Tuwing sumasapit ang Hunyo 12, napupuno ng kulay ang paligidβ ang watawat ng Pilipinas na iwinawagayway at isinasabit sa bawat tahanan, paaralan, at gusali. May mga pagbati sa social media, programa sa paaralan, at kung minsan pa nga ay mayroong parada. Araw ng Kalayaan, ang araw noong 1898 nang ideklara ang kasarinlan ng ating bansa mula sa mahigit na 300 taong pananakop ng mga Kastila. Ngunit sa likod ng mga selebrasyon, naiisip pa rin kaya natin kung bakit ito ipinagdiriwang? O isa na lang ba itong araw ng pahinga na dinadaan sa obligasyon?
Ang Araw ng Kalayaan ay madalas inaabangan dahil ito ay isang araw na walang pasok sa paaralan at trabahoβ isang holiday, kung tawagin. Ngunit kung ating iisipin, ang araw na ito ay nagdadala ng mas malalim na kahulugan. Isa itong selebrasyon ng ating kalayaan, pagkakakilanlan, at katapangang ipinamalas ng ating mga bayani. Hindi lang ito simpleng kasaysayan. Ito ay kwento ng dugo, pawis, at paninindigan.
Noong una kong nalaman ang tungkol sa deklarasyon ng ating kalayaan, para sa akin isa lang itong bahagi sa aklat ng ating kasaysayan. Mga pangalan, petsa, at mahahabang talata na kailangan kabisaduhin sa pagsusulit. Pero habang tumatanda ako, unti-unti kong nauunawaan ang tunay na kwento sa likod ng ating kasarinlan. Ang ating mga bayaning nagbuwis ng lahat upang ipaglaban ang kalayaan ng bayan, sa kabila ng mga panganib at pagsubok. Hindi nila basta pinangarap ang kalayaanβ ipinaglaban nila ito. Iyan ang paniniwalang hindi natin kailanman dapat limutin.
Para sa karamihan saβtin, ang kalayaan ay hindi na natin kailangang ipaglaban ng literal. Ipinanganak na tayong malaya, wala na tayong dayuhang sumasakop. Hindi na natin kailangang makipagdigma o maghimagsik tulad nina Rizal, Bonifacio, at Aguinaldo. Ngayon, nabubuhay tayo sa ibang panahon. Malaya tayong maglabas ng ating mga saloobin, pumasok sa paaralan, at pumili ng kung anong gusto nating gawin. Subalit ang kalayaang ito ay hindi lang basta ipinasa saatin, pinaghirapan nila ito, maging ang kanilang sariling buhay ay ibinuwis. At ngayong tayoβy nasa panahon na ng kapayapaan, nawaβy protektahan natin ang ating kalayaan sa pagiging isang responsable at marespetong mamamayang may malasakit sa ating bansa.
Sa ibang banda, may laban pa rin tayong dapat harapin. Laban para sa katotohanan, laban para sa karapatan, at laban para sa katarungan. Sa simpleng pagiging tapat sa paaralan, pagtulong sa kapwa, o pakikilahok sa mga usaping panlipunan, iyon na rin ay paraan ng pagiging makabayan.
Ang Araw ng Kalayaan ay hindi lang tungkol sa nakaraan. Isa rin itong paalala sa kung sino tayong mga Pilipino. Ang ating kultura, salita, at mga pagpapahalagaβ lahat ng ito ay bahagi sa kalayaang minsan ipinaglaban. Bilang isang mag-aaral, naniniwala akong bawat isa sa atin ay may tungkuling panatilihing buhay ang diwa ng ating kalayaan. Alalahanin natin ito, parangalan, at ipagmalaki. Hindi lamang sa Araw ng Kalayaan, kundi sa bawat araw. Dahil ang kalayaan ay hindi lang isang petsa sa kalendaryoβ ito ay isang pamumuhay na may dangal, malasakit, at pagmamahal sa bayan.
Kartun: Jillian Bulanadi