03/08/2026
DEVCOM | PAGHINTO NG LUNTIAN: Sa Anino ng mga Solar Panel
Ngayong patuloy ang pagtaas ng temperatura sa bansa, hindi na lamang mga puno ang nagsisilbing silungan ng mga mamamayan sa lungsod ng Gapan. Bilyon-bilyong pisong halaga ng mga solar panel ang pumalit sa lilim ng mga puno at sakahan—isang pagbabagong patuloy na idinadaing ng mga residente.
Ang patuloy na pagbabago ng klima, lalo na sa Pilipinas, ay nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Mula sa malalakas na unos, pagbaha, at mas mahahabang panahon ng tagtuyot, ang lahat ng ito ay may negatibong epekto sa kalusugan ng komunidad, suplay ng pagkain, at kabuhayan ng mamamayan.
Bago pa man lumala ang sitwasyon, hinihiling na ng mga mamamayan ng Gapan ang isang solusyong makabubuti hindi lamang sa tao kundi maging sa kalikasan. Isang solusyong pinag-isipan, may maayos na plano, at may magandang pangmatagalang bunga. Subalit hindi ito ang kinabukasang nakikita ng mga residente ng lungsod.
Kadalasan, isang makinang at kulay-pilak na tanawin ang bumabati sa mga dumaraan sa isang bayan o barangay. Ngunit hindi ito ang dating tanawin sa Brgy. Macabaklay. Hindi mainit na pagtanggap ng mga tao ang sasalubong sa sinumang makarating sa lugar, kundi ang matinding init ng temperatura at ang kalbo at maalikabok na kapaligiran.
“May init siya noon, no’ng mapuno siya. Pero ngayon, akala mo nasa impyerno ka kapag dumadaan ka ro’n [sa kalsada],” pahayag ni Irish, hindi niya tunay na pangalan, 39 taong gulang at residente ng Brgy. Macabaklay. “Marami silang pinutol na puno. Tingnan mo ’yan [ang paligid], makinis na.”
Ito ang idinulot ng kasalukuyang proyekto ng Meralco PowerGen Corporation (MGen) at SP New Energy Corporation (SPNEC) na Terra Solar, o mas kilala bilang MTerra Solar. Layunin nitong mabawasan ang greenhouse gas emissions at makapagbigay ng maaasahan at sustenableng suplay ng kuryente sa pamamagitan ng renewable energy.
Maliban dito, ipinahayag din ng MGen at SPNEC ang kanilang bold vision na itayo ang pinakamalaking single-location solar farm sa Pilipinas.
Gayunman, maituturing pa bang matagumpay ang ganitong uri ng tulong kung higit ang naidudulot nitong pinsala sa kalikasang unti-unting nawawalan ng kulay at sa mga taong araw-araw na nakararanas ng perwisyo?
𝐊𝐚𝐫𝐚𝐩𝐚𝐭𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐥𝐢𝐤𝐚𝐬𝐚𝐧
Ayon sa Presidential Decree No. 705 o ang Revised Forestry Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pagputol ng mga puno at pagkalbo ng kagubatan nang walang kaukulang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang malalaking proyektong tulad ng MTerra Solar ay karaniwang dumaraan sa ilang linggo o buwan ng pagproseso upang makuha ang mga kinakailangang pahintulot mula sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan. Bahagi ng prosesong ito ang masusing pagsusuri sa mga posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran sa pamamagitan ng Environmental Impact Assessment (EIA). Kapag naaprubahan ang EIA, saka naman maaaring mag-isyu ang DENR ng Environmental Compliance Certificate (ECC), na nagsisilbing patunay na nakasunod ang proyekto sa itinakdang mga pamantayang pangkalikasan.
Hindi rito nagtatapos ang proseso. Marami pang dokumento at permit ang kailangang iproseso bago maaprubahan ang pagputol ng mga puno. Gayunman, dahil itinuturing na National Strategic Project ang MTerra Solar, napabilis ang pagproseso ng mga permit mula sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan. Dahil dito, nabigyan ang MGen at SP New Energy Corporation (SPNEC) ng Green Lane Certificate—isang sertipikasyong inilabas sa ilalim ng Executive Order No. 18 sa pamamagitan ng Board of Investments (BOI)—na nagpapabilis sa pagkuha ng mga lisensya at permit mula sa pamahalaan.
Higit pa rito, ang mga proyektong nakatuon sa renewable energy ay maaari ring pagkalooban ng mga espesyal na pahintulot para sa land-use conversion upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong naglalayong palakasin ang suplay ng kuryente.
𝐒𝐀 𝐒𝐈𝐋𝐎𝐍𝐆 𝐍𝐆 𝐒𝐎𝐋𝐀𝐑 𝐏𝐀𝐍𝐄𝐋
Ang lalawigan ng Nueva Ecija ay hindi lamang kilala sa mataas nitong produksyon ng bigas, kundi maging sa lawak ng sakop nito bilang pinakamalaking lalawigan sa rehiyon ng Central Luzon. Napapalibutan ito ng malalawak na lupain at bukirin na siyang dahilan ng kasaganaan nito sa yamang agrikultural. Dahil sa patag at malawak nitong kalupaan, nakita ng MGen at SP New Energy Corporation (SPNEC) ang potensiyal ng lalawigan bilang lokasyon ng MTerra Solar project.
Mahigit 3,500 ektarya ng lupain ang sakop ng proyekto. Kung ihahambing, katumbas ito ng humigit-kumulang 25 Philippine Arena ang lawak, samantalang ang isa sa mga barangay na kinatatayuan nito ay may kabuuang sukat na 4,506 ektarya lamang.
Layunin ng proyekto na makalikha ng 3,500 megawatt-peak (MWp) mula sa solar photovoltaic (PV) system, kasabay ng 4,500 megawatt-hour (MWh) na battery energy storage system (BESS). Sa madaling salita, ang 3,500 MWp ang pinakamataas na kapasidad ng mga solar panel na makalikha ng kuryente sa ilalim ng pinakamainam na kondisyon, gaya ng matinding sikat ng araw. Samantala, ang solar PV ang teknolohiyang nagko-convert ng enerhiya mula sa araw tungo sa elektrisidad.
Ang 4,500 MWh, naman, ay tumutukoy sa dami ng enerhiyang maaaring maimbak ng battery energy storage system (BESS)—isang malakihang sistema ng baterya na nag-iimbak ng sobrang enerhiyang nalilikha ng mga solar panel upang magamit kapag mababa ang produksyon ng kuryente.
Halos isang buong barangay ang sinasaklaw ng mga solar panel. Ang dating luntiang komunidad ay nabalutan na ng bughaw—hindi dahil sa tubig, kundi dahil sa lawak ng proyektong sumasakop sa malaking bahagi ng Barangay Macabaklay.
Habang patuloy na pinapatag at pinatutuyo ang dating mga bukirin sa barangay, unti-unti ring nasisira ang mga kalsada dahil sa bigat at dami ng mga sasakyang nagdadala ng mga materyales para sa proyekto.
“Mamaya-maya lang, baka hindi ka na puwedeng tumawid diyan. Sa kapal (dami) ng sasakyan pauwi galing bundok. Traffic pa ’yan,” ani Mang Raul, hindi niya tunay na pangalan, 55 taong gulang, dating magsasakang labis na naapektuhan ng MTerra Solar project.
“Impyerno ’yan. Wala nang puno, eh. Saan babangga ’yong init kapag nag-iinit? Wala nang kapunuan—kalbo-kalbo na ’yon, wasak-wasak na nga ’yong mga bukid. Kaya sabi ko, wala nang sakahan,” dagdag niya.
Ano ang sobra at ano ang kulang? Marahil ay layunin ng bansa na makilala sa pagtatayo ng pinakamalawak na single-location solar farm sa buong mundo. Ngunit sapat ba itong kapalit ng permanenteng kabuhayang mawawala sa mga tao, lalo na sa isang lalawigang ang pagsasaka ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan?
Kasabay nito ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, na ayon sa Meralco ay dulot ng mataas na demand sa suplay ng elektrisidad. Gayunman, wala ring katiyakang bababa ang presyo ng kuryente sa oras na magsimula ang operasyon ng mga solar panel.
𝐊𝐀𝐏𝐀𝐆 𝐀𝐍𝐆 𝐋𝐔𝐏𝐀 𝐀𝐘 𝐇𝐈𝐍𝐃𝐈 𝐍𝐀 𝐍𝐀𝐆𝐁𝐔𝐁𝐔𝐍𝐆𝐀
Tunay na may pag-asa at kayamanan sa sektor ng agrikultura at pagsasaka.
Nang magsimula ang pagtatayo ng planta ng mga solar panel, nagsimula ring bilhin ang mga lupain sa Barangay Macabaklay. Umaabot sa milyon-milyong piso ang halaga ng bawat lupang binibili upang gawing bahagi ng proyektong, ayon sa pamahalaan, ay magpapalakas sa suplay ng enerhiya ng bansa.
Bago pa man tuluyang masira ang mga lupa at mawalan ng sustansiya, ang paghahanap ng bagong mapagkakakitaan ang naging pangunahing tugon ng mga magsasaka. Kung noon ay sa ibabaw ng lupa matatagpuan ang pag-asa—tumutubo at kumukulay-ginto sa ilalim ng sikat ng araw—ngayon ay tila lumipat ito sa kailaliman, sa anyo ng gintong nakabaon sa lupang hindi na kayang pagtamnan.
Ayon kay Mang Raul, ang paggiginto na ang pangunahing pinagkakaabalahan ng maraming residente sa kanilang lugar. Sa bawat paghuhukay at pagbabaligtad ng lupa ay may pag-asang makatagpo ng ginto na magsisilbing pantustos sa kanilang pamilya.
Umaani sila ng humigit-kumulang 65 gramo ng dinurog na 24-karat na ginto sa umaga at ganoon din sa hapon. Sa ganitong paraan, nagkakaroon si Mang Raul ng dagdag na kita upang matustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Umaabot sa isang milyong piso ang arkila sa bawat ektarya ng lupa. Walang tigil ang paghuhukay hangga't hindi natatapos ang lawak ng inarkilang lupain. Paulit-ulit ang proseso hanggang sa makuha ang gintong nakabaon sa ilalim nito. Ngunit kapalit ng isang milyong piso ang lupang iniiwang wasak, namumuti, at hindi na maaaring taniman.
Bagaman nagsisilbi itong pansamantalang pinagkukunan ng kita ng ilang residente ng Macabaklay, nananatili itong isang impormal na kabuhayang pinasok ng marami, kabilang si Mang Raul, dahil sa kakulangan ng iba pang mapagkakakitaan.
Nakasaad sa 1987 Philippine Constitution, Article XII, Section 2, at sa Philippine Mining Act of 1995 na ang lahat ng yamang mineral, kabilang ang ginto, ay pag-aari ng Estado. Kahit pagmamay-ari ng isang tao ang lupang kaniyang kinatitirikan o sinasaka, hindi nangangahulugang pagmamay-ari rin niya ang mga mineral na nasa ilalim nito.
Dahil dito, ang anumang pagkuha, paggamit, o paglinang sa mga yamang mineral ay nangangailangan ng kaukulang pahintulot mula sa pamahalaan. Ang paglabag sa mga itinakdang proseso ay may katumbas na legal na pananagutan sa ilalim ng mga umiiral na batas sa pagmimina.
“Malaking kawalaan para sa mahihirap ‘yan [MTerra Solar]. Paano kung nangyaring maubos ‘yong mga ginto riyan? Saan pa kukuha ng kakainin? Magnanakawan? Magpapatayan?” Daing ni Mang Raul.
Dagdag pa niya, ang bawat hukay at pagbabaliktad ng lupa ay may lalim na katumbas ng isang poste ng kuryente. “Hindi na titino ‘yong mga lupa na ‘yan. Giba na, eh. ‘Wag ka lang magkakamaling maglakad, baka lumubog ka na.”
𝐊𝐀𝐏𝐀𝐋𝐈𝐓 𝐍𝐆 𝐋𝐈𝐖𝐀𝐍𝐀𝐆
Kung ang batas ang nagtatakda kung gaano kalawak ang maaaring baguhin sa isang lupain at hanggang saan ang hangganan ng isang proyekto, paano naman ang mga komunidad na nakapalibot dito?
Hindi sapat na batayan ang kawalan ng boses ng kalikasan upang isantabi ang mga desisyong maaaring magdulot ng pangmatagalang pinsala.
Para sa mga residente ng Macabaklay, hindi kaginhawahan kundi pangamba ang naidulot ng pagdating ng mga solar panel. Maaaring layunin ng pamahalaan na palakasin ang suplay ng enerhiya at magsulong ng renewable energy, ngunit kasabay nito ang pangamba ng mga residente na unti-unting mawalan ng espasyong matatawag nilang tahanan.
“Eh kasi siyempre, parang, bilang ako pangkaraniwang mamamayan lang, proyekto ’yan ng matataas na tao. Ano ang magagawa namin? ’Di ba? Hindi, wala kaming magagawa kasi sila, maraming pera.” Ani Irish,
“Noong time na nagsimula na ’yang [construction] sa solar, mayroong nag-survey rito. Parang, kung ikaw, bibilhin ’tong part na ’to, aalis ka ba? Eh siyempre taga-rito kami, saan kami pupunta? ’Di naman kami puwede sa bayan kasi dito kami sanay sa bukid,” pahayag ni Irish. “Siguro balak na talaga nilang kuhanin itong barangay namin [para] buoin na nila ng solar.” Dagdag pa nito.
Ibinalik, pinatag, at tinakpan ang bakas ng nakasanayan ng ilan. Subalit gaano man ito piliting ibalik sa dati, may sariling paraan ang kalikasan upang ipakita ang mga bunga ng mga pagbabagong ipinataw dito.
Hindi maipagkakaila na ang paggamit ng renewable energy at ang paghahanap ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya ay mahalaga, lalo na sa panahon ng lumalaking pangangailangan ng bansa. Malaki ang maitutulong nito sa pagtugon sa tumataas na konsumo ng kuryente sa gitna ng patuloy na pag-unlad ng teknolohiya at modernisasyon. Gayunman, hindi ito dapat maisakatuparan sa kapinsalaan ng kalikasan at ng mga komunidad na unang nakararanas ng mga epekto nito.
Hindi dapat magtapos ang pangako ng MTerra Solar project sa pandaigdigang pagkilala. Dapat ding tiyakin na may sapat na programa para sa mga magsasakang nawalan ng kabuhayan, pag-isipan ang paggamit ng mga lupaing hindi na produktibo sa halip na mga aktibong lupang pang-agrikultura, at ayusin ang mga
nasirang kalsada at mga daanang nawalan ng lilim dahil sa pagputol ng mga puno.
Ayon sa Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) o Republic Act No. 6657 at sa iba pang mga alituntunin ng Department of Agrarian Reform (DAR), may mga mekanismong nakalaan upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa hindi makatarungang pagkawala ng kabuhayan at pag-alis sa kanilang mga lupa.
Kabilang dito ang mga probisyon para sa tulong, suporta, at iba pang remedyo para sa mga apektadong magsasaka. Sa gitna ng malalaking proyektong pangkaunlaran, mahalagang maging malinaw at madaling maakses ng mga komunidad ang mga mekanismong ito upang matiyak na naipatutupad ang mga karapatang nakasaad sa batas.
Kasabay ng lumalalang pangangailangan sa enerhiya at ng patuloy na hamon ng pagbabago ng klima, nananatiling mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw na konsultasyon, sapat na impormasyon, at mga mekanismo ng pananagutan sa bawat yugto ng pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran. Sa ganitong paraan, maaaring maisulong ang mga proyektong tumutugon sa pambansang pangangailangan habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng kalikasan at ng mga komunidad na direktang naaapektuhan.
Habang patuloy na sumisikat ang araw sa ibabaw ng mga solar panel, umaasa pa rin ang mga residente ng Macabaklay sa isang maaliwalas na bukas—isang kinabukasang hindi kailangang magsakripisyo ng tao at kalikasan alang-alang sa mga pangakong pag-unlad.
Sulat ni Venice Pabualan
Kuha nina Clark Alonzo at Venice Pabualan