09/05/2022
Magandang araw! Kami po ang TechnoByte Club at ginagamit namin ang aming munting plataporma sa social media upang iparating ang isang maikling mensahe na para sa mga botante ngayong eleksyon.
Sa kabila ng aming kakulangan ng taon upang maging ganap na botante, naniniwala po kami na may responsibilidad po kaming magsalita at makiisa sa halalan na ito — bilang mga mag-aaral at bilang mga mamamayan ng bansang Pilipinas.
Sa araw po na ito, bibigyan tayo ng pagkakataon na mamimili ng mga lider na sa tingin natin ay karapat-dapat na mamuno sa ating bansa. Nais po naming ipabatid kung gaano kahalaga ang halalan na ito, sapagkat ang ating kinabukasan ang siyang nakasalalay dito — partikular, ang kinabukasan naming mga kabataan na patuloy na sisikaping abutin ang aming mga pangarap sa susunod na anim na taon. At upang mas lumaki ang tyansa na maabot ito ay kinakailangan po natin ng mga lingkod ng bayan na kayang harapin at tugunan ang problema sa sistema ng ating edukasyon, trabaho, kalusugan, ekonomiya, at iba pang mga suliraning nararanasan ng masa.
Kami po ay taos pusong umaasa sa inyo na gagamitin ninyo ang inyong kakayahan na mamili at humusga, upang gumawa ng pagbabago para sa kinabukasan ng bawat mamamayan at kabataang Pilipino.
Tayo ang susi sa pagbabago. Tayo ang may hawak ng ating kinabukasan. Mahalaga po ang inyong boto para sa ikauunlad ng bansang ito.