12/05/2023
Kung ayaw mong magbasa ng pagkahaba-habang pangungusap, ang buod lang naman ng menhaseng ito ay "salamat."
Kung nais mo namang maglakbay sa pasikotsikot ng aking palaisipan, bahala ka, warning na 'to, mahaba-haba ang tatahakin mo.
-
Minamahal na mambabasa,
Mahilig ako sa salita. Nagsusulat ako ng mga tula at iba pang sulating patong-patong ang mga alegorya na sa puntong madalas napupuna na ang paraang pagsulat kong ito dahil hindi na mapunto ang aking ibig pakahulugan. Hilig ko rin magbasa, siguro sa kabuoan maituturing na mahal ko nga ang literatura. Gustong-gusto ko ang mga piyesang pinag-iisip ako, 'yong tila ba may nilulutas akong kaso.
Subalit sa liham na ito, hindi ko ibig na kayo ay malito. Nais kong mabatid ninyo agad ang aking punto nang walang paligoy-ligoy; na maunawaan ninyo nang agaran kahit na buhol-buhol ang mga salitang gusto kong marinig ninyo.
Gusto ko mawari ang iba't ibang paraan para'y kayo ay isa't isang mapasalamatanโgamit ang mga wika ng pag-ibig na mas lubos ninyong nauunawaan, subalit kahit gusto ko man, alam kong ito'y hindi maaari, kaya aking ipapabatid na lamang ang aking pasasalamat sa paraang lubos kong nauunawaan: mga salita.
Sa dinami-rami ng naisulat kong talumpati sa pagdaan ng panahon bilang inyong Presidente, sa palagay ko, marami pa rin akong hindi nasasabi. Opisyal na nagsimula ang ating ekspedisyon nakaraang taon noong Oktubre, at hindi naging tuwid ang daan paglakbay natin tungo sa kasalukuyan na parang kahapon lang ay ating sinasambit bilang hinaharap.
Maraming nagtatanong sa akin kung mahirap ba ang maging Presidente, at ang lagi kong sagot ay "oo, pero kasama ko naman ang mga tamang tao."
Malaking responsibilidad ang kailangang panindigan at matataas na mga pader ang kinailangang akyatin, subalit hindi ako naubusan ng puwersa dahil sa mahigpit na hawak ninyo sa aking mga kamay. Hindi maipaliwanag na pasasalamat at kagalakan ang mayroon ako sa inyo. Sa totoo lang, hindi ko maipalagay kung ano na lamang ang magiging takbo ng buhay ko sa sekundarya kung hindi ninyo ako hinirang bilang Presidente.
Mula sa paglikom ng mga sako-sakong plastic bottles at mga papel, sa pagpaparefill ng mga gallon ng tubig, mga miting de avance, hanggang sa mga oras ng mga kaswal na pag-uusap, mga ngiti, bati, at maliliit na pagkilala sa bawat pasilyo ng ating paaralan, maging ang mga oras na rin ng mga suliranin kung saan ang isa't isa ang ating takbuhan, ako ay lubos na malugod dahil ako ang pinili ninyong sandigan gaya ng pagpili ko sa inyo upang pagsilbihan.
Mayroon tayong Charice at Kharla, na walang mintis ang pagpost ng gospel readings araw-araw; Marvin, na miss na namin ang presensya, at JC, ang dakilang gunting ng SSC na kinayang ipresenta ang ikawalong baitang mag-isa; Vianney at Jome, na maituturing na yin and yang; Timothy, ang tech-savvy na editor ng SSC, at Angelica, na takbuhan kapag kailangan ng documentation.
Hindi rin natin maikakaila ang presensya nina Jhameah, ang Auditor na kilala ng lahat at maaasahan sa mga tungkulin na sa kamay niya ay malapat; ang Ingat-yaman na si Gerem, mayaman sa ideya at maaasahan ninyong walang kinurakot na pera; ang Kalihim na si Gwynn, na mapagkakatiwalaan sa lahat ng galaw ng institusyon; at si Elyza, ang Bise Presidenteng all-around, na tunay na kahanga-hanga ang mga angking kakayahan.
Tiyak na aalalahanin ko ang mga panahong kayo ang aking nakasama sa panahon ng tagumpay at hirap. Hindi ko inasahang magiging ganito ang ating samahan, at ako'y nasisiyahang masabing hindi ko lang kayo nakatrabaho, sa halip, nakabuo pa tayo ng isang apinidad na lumalagpas ang saklaw sa kung anong ugnayan lamang ang kailangan sa organisasyong ito.
At sa aking mga kaeskuwela, kayo, BCSIans, nabasa ko ang mga liham na inihayag ng ilan sa inyo sa akin, nabasa ko kung paano ninyo ako hinangaan sa aking lakas at pagkatao, subalit sana'y alam ninyo na bunga ang mga kalidad na iyon at kayo ang sanhi. Kayo ang naghalal sa akin, at kung may dapat mang hangaan ay hindi ako 'yon kundi kayo.
Napakalaking kapangyarihan ang inyong nasa mga kamay na inyong inilahad sa akin, pinaliyab ninyo ang maliit na apoy mula sa posporong kumislap noong napagdesisyonan kong tumakbo. Wala ito, wala ako, kung wala kayo.
Salamat dahil kahit na hindi naman tungkol sa isang pinuno ang pamumuno, ipinaramdam ninyo sa akin na huwaran at karapat-dapat ako, na kinaya, kaya, at kakayanin ko pa ang mga pagsubok na siguradong patuloy na susubukang hadlangan ang mga daang balak kong tahakin. Malaking parte kayo sa pagkatao ko, at sa hindi inaasahang pagkatagpo ay itoโkayoโ na ata ang tinutukoy kong panalo ko.
Ako'y lilisan nang tuwid ang lakad, at sa pagbukas ko ng pinto at pagtapak ng paa ko patungo sa lugar kung saan wala kayo, ako'y lilingon pabalik nang may halina sa puso hanggang sa pagsara ko ng pinto, masayang ang huling nasilayan ng mga mata ko ay kayo.
Hanggang sa muli nating pagkikita.
Nagmamahal at nagpapaalam,
Crislyn ๐