05/06/2026
PARENTS’ ORIENTATION ISINAGAWA PARA SA PAGBUBUKAS NG KLASE S.Y. 2026–2027
Sa paghahanda para sa pagbubukas ng klase para sa Taong Panuruan 2026–2027, matagumpay na isinagawa ng Paaralang Elementarya ng Janosa ang Parents’ Orientation para sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga mag-aaral.
Nagsimula ang programa sa pag-awit ng Pambansang Awit, na sinundan ng isang taimtim na panalangin bilang paghingi ng patnubay at biyaya para sa panibagong taong panuruan. Kasunod nito ay ang Pambungad na Pananalita ni Dr. Pepito V. Cequeña, Punongg**o, kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng mga magulang sa paaralan upang matiyak ang de-kalidad na edukasyon at maayos na paghubog sa mga mag-aaral.
Sa isinagawang Orientation Proper, tinalakay ang mahahalagang impormasyon kaugnay ng pagbubukas ng klase. Binigyang-diin ang pagpapatupad ng Trisemester System, kabilang ang iskedyul ng bawat termino, mga gawaing pampaaralan, at mga inaasahang gawain ng mga mag-aaral at magulang sa bawat yugto ng pag-aaral. Ipinaliwanag din ang mga polisiya ng paaralan, mga programang pang-akademiko, mga alituntunin sa pagpasok, kaligtasan ng mga mag-aaral, at iba pang mahahalagang usapin na makatutulong sa matagumpay na pag-aaral ng bawat bata.
Ang oryentasyong ito ay nagsilbing mahalagang hakbang upang mapalakas ang ugnayan ng tahanan at paaralan, at upang maihanda ang lahat para sa isang produktibo, ligtas, at makabuluhang taong panuruan.
Maraming salamat sa lahat ng mga magulang at tagapag-alaga na dumalo at nakiisa. Sama-sama nating itaguyod ang tagumpay ng bawat batang mag-aaral!