18/08/2026
Masiglang Pagbubukas ng Pagdiriwang ng Wikang Filipino
“Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon”
Masigla at makulay na sinalubong ng mga mag-aaral at g**o sa Paaralang Elementarya ng Biñan ang pagbubukas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 noong ika-12 ng Agosto, 2026. Tampok sa selebrasyon ang pagpapahalaga sa wikang Filipino, kultura, tradisyon, panitikan, at malikhaing pagpapahayag ng mga mag-aaral.
Ang opisyal na tema ngayong taon ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” na nagbibigay-diin sa makabuluhan at responsableng paggamit ng makabagong teknolohiya kasabay ng pagpapayaman at pagpapaunlad ng Wikang Filipino.
Kabilang sa mga naging makukulay na bahagi ng pagbubukas ay ang pagsusuot ng katutubong kasuotan at Filipiniana. Ipinakita ng mga mag-aaral ang iba’t ibang anyo ng tradisyonal na pananamit ng mga Pilipino. Sa pamamagitan nito, naipamalas nila ang pagmamalaki sa ating kultura at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Binigyang-buhay rin ng mga mag-aaral sa unang baitang ang wikang Filipino sa pamamagitan ng pagtula. Sa kanilang pagbigkas, naipahayag nila ang kanilang damdamin, kaisipan, at pagpapahalaga sa bayan, kultura, at sariling wika.
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang pagkukulay at pagguhit ng mga mag-aaral sa ikalawang baitang na may temang nakaugat sa kultura, wika, at makabagong panahon. Sa pamamagitan ng kanilang mga likhang-sining, naipakita ng mga mag-aaral ang kanilang pagkamalikhain at pag-unawa sa kahalagahan ng Wikang Filipino.
Samantala, sa paglikha ng poster naipamalas ng mga mag-aaral sa ikatlong baitang ang kanilang pagkamalikhain sa pamamagitan ng mga makukulay na disenyo, larawan, simbolo, at mensaheng may kaugnayan sa Buwan ng Wika. Naging daan ito upang maipahayag nila ang kanilang pag-unawa sa tema ng pagdiriwang at ang kahalagahan ng wika bilang tulay sa kaalaman at impormasyon.
Umani rin ng sigla at saya ang programa sa ikalimang baitang sa pamamagitan ng mga katutubong sayaw gaya ng Tinikling at Maglalatik. Sa saliw ng musika at kumpas ng mga mananayaw, naipamalas ng mga mag-aaral ang yaman ng kulturang Pilipino.
Bilang bahagi ng pagpapaunlad ng kasanayan sa pagbasa, isinagawa rin ang pagpapabasa ng mga kuwentong pambata at iba pang akdang pampanitikan ng mga mag-aaral sa ikalima at ika-anim na baitang. Sa gawaing ito, nahikayat ang mga mag-aaral na magbasa, makinig, magbahagi ng kanilang ideya, at higit na pahalagahan ang mga kuwentong naglalarawan ng kulturang Pilipino. Sa panahon ng makabagong teknolohiya at AI, mahalaga pa ring linangin ang kakayahan ng mga bata na bumasa, umunawa, magsuri, at gumamit nang wasto ng impormasyon.
Ang masiglang pagsisimula ng Buwan ng Wika 2026 ay patunay na ang pagmamahal sa sariling wika at kultura ay maaaring ipakita sa maraming malikhaing paraan. Sa pakikiisa ng mga g**o, mag-aaral, at buong pamayanan ng Paaralan Elementarya ng Biñan, patuloy na yayamanin, gagamitin, at pahahalagahan ang Wikang Filipino mula sa tradisyonal na kultura hanggang sa makabagong mundo ng teknolohiya at Artificial Intelligence.Wika natin, kultura natin, pagkakakilanlan natin—ipagmalaki at pagyamanin natin!
📝 Catherine A.. Nogueras
📷 Grade 1-6 Filipino Coordinators