11/09/2026
Kapistahan ng CES 2026: Pagdiriwang ng Kultura, Kasaysayan, Pagkakaisa, at Kalusugan
CAMANDINGAN, Setyembre 10, 2026 — Matagumpay na isinagawa ng Camandingan Elementary School (CES) ang Kapistahan ng CES 2026, isang makabuluhang pagdiriwang na pinagsama ang paggunita sa Buwan ng Wika, Buwan ng Kasaysayan, ASEAN Month, at Buwan ng Nutrisyon.
Layunin ng pagdiriwang na palakasin ang pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa wikang Filipino, kulturang Pilipino, kasaysayan, pagkakaisa ng mga bansang ASEAN, at kahalagahan ng wastong nutrisyon para sa malusog na pamumuhay.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng Thanksgiving Mass bilang pasasalamat sa mga biyaya at tagumpay ng paaralan sa pagtatapos ng Unang Markahan (Term 1), gayundin sa patuloy na paggabay at pagpapala para sa buong komunidad ng CES.
Tampok sa pagdiriwang ang Cookfest, kung saan ipinamalas ng mga magulang at mag-aaral ang kanilang husay sa pagluluto gamit ang papaya bilang pangunahing sangkap ng mga inihandang putahe. Ipinakita naman ng mga magulang mula Kindergarten hanggang Grade 2 ang kanilang pagkamalikhain sa pamamagitan ng Booth Showcase na nagbigay-daan sa pagpapakita ng kanilang mga talento at likhang-sining.
Naging makulay naman ang hapon sa pamamagitan ng Parade of Costumes para sa ASEAN Month at Buwan ng Wika, kung saan ipinamalas ng mga mag-aaral ang iba’t ibang kasuotan na kumakatawan sa kultura at tradisyon ng Pilipinas at mga bansang ASEAN.
Nagbigay ng mensahe si EPS Monitoring Supervisor Dr. Joycelyn Perdido, na nagbigay-inspirasyon sa mga mag-aaral, g**o, at magulang na patuloy na pahalagahan ang edukasyon, kultura, at pagkakaisa. Nagbahagi rin ng mensahe ang Teacher-In-Charge, G. Mark Janree Valencia, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kultura, pagkakaisa, pagkatuto, husay, at malasakit bilang gabay sa paghubog ng mga mag-aaral.
Naging posible ang matagumpay na pagdiriwang sa tulong ng suporta ng mga katuwang ng paaralan, kabilang ang LPG Household and Industrial Gases Corporation bilang sponsor-partner, ang School Parents-Teachers Association (SPTA) sa pangunguna ni Pres. Elma Rocutan, mga panauhing pandangal, mga g**o, magulang, mag-aaral, at buong komunidad ng Camandingan Elementary School.
Sa pagtatapos ng selebrasyon, muling pinagtibay ng CES ang patuloy nitong hangarin na hubugin ang mga mag-aaral na may pagmamahal sa wika, kultura, kasaysayan, pagkakaisa, at kalusugan, mga pagpapahalagang magsisilbing gabay nila tungo sa mas magandang kinabukasan.