03/08/2026
[๐๐๐๐๐๐๐๐๐]
๐๐ก๐๐ฐ.
Tuyo ang dilaโhindi dahil wala nang salitang maaaring bigkasin, kundi dahil nauuhaw ito sa mga salitang minsang nagpalaya.
Nauuhaw ito sa wikang dumaloy sa mga lihim na pagpupulong ng mga Katipunero, sa mga pahina ng mga akdang nagmulat sa kamalayang bayan, at sa mga sigaw na pumunit sa mahabang katahimikan ng kolonyalismo. Nauuhaw ito sa mga salitang hindi lamang binigkas, kundi pinanindigan, mga salitang hindi lamang bumuo ng pangungusap, kundi bumuo ng isang bayan. Sapagkat ang wika ay parang tubig na kapag dumadaloy, nagbibigay-buhay; kapag umaagos, nag-uugnay; at kapag umaapaw, nagigising ang damdaming matagal nang ikinubli. Ngunit ang tubig na inalisan ng daluyan ay unti-unting natutuyo. Gayundin ang wikang patuloy na isinasantabi hindi man agad namamatay, ngunit dahan-dahang nawawalan ng puwang upang huminga, umagos, at mabuhay.
Sa panahon ng mabilis na globalisasyon, tila mas malawak ang dagat ng mga wikang banyaga kaysa sa ilog ng sariling atin. Hindi masama ang pagkatuto ng Ingles at iba pang wika sa katunayan, mahalaga ang mga ito sa agham, teknolohiya, pandaigdigang ugnayan, at pagpapalawak ng kaalaman. Ngunit nagiging mapanganib ang pagiging โglobalโ kapag ang pag-abot sa mundo ay nangangailangan ng pagtalikod sa sariling pinagmulan. Hindi dapat maging sukatan ng katalinuhan ang layo ng ating dila sa Filipino. Hindi rin dapat ituring na mas malalim ang isang ideya dahil lamang ito ay binihisan ng banyagang salita. Ang tunay na edukasyon ay hindi paglimot sa sariling tinig upang makisabay sa agos ng iba ito ay kakayahang makipag-usap sa mundo habang matatag na nakatayo sa sariling pampang.
Dito higit na tumitindi ang usapin ng Filipino sa edukasyon. Noong 2013, inilabas ng Commission on Higher Education ang CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013, na nagpatupad ng bagong General Education Curriculum. Mula sa dating 63 yunit, naging 36 yunit ang General Education Curriculum, at hindi na isinama ang Filipino at Panitikan bilang magkahiwalay na mandatory core subjects sa kolehiyo. Ang katuwiran ng CHED ay nailipat na ang mga pangunahing kompetensiya sa Filipino at Panitikan sa basic education at Senior High School sa ilalim ng K to 12 upang maiwasan ang pag-uulit ng mga aralin sa kolehiyo. Nanindigan din ang CHED na hindi nito inalis o ipinagbawal ang Filipino maaari pa ring magdagdag ang mga Higher Education Institution ng mga kursong Filipino at Panitikan ayon sa kanilang akademikong kalayaan.
Ngunit dito dapat itanong na kung ang wika ay tunay na mahalaga sa paghubog ng kamalayan, sapat bang ilipat lamang ito sa mas mababang antas ng edukasyon? Kung ang Filipino ay itinuturing na pundasyon ng pagkakakilanlan, bakit hindi nito matatagpuan ang tiyak at matatag na puwang sa pinakamataas na antas ng pagkatuto?
Maaaring hindi tuluyang inalis ang Filipino sa kolehiyo, ngunit ang pagkawala nito bilang isang kinakailangang core subject ay hindi simpleng pagbabago sa talaan ng mga asignatura. Ito ay usapin ng puwangโpuwang para sa Filipino sa akademikong diskurso, sa pananaliksik, sa malalim na pagsusuri, at sa paglikha ng kaalamang nakaugat sa karanasan ng Pilipino.
Hindi lamang mga yunit ang nabawasan; nanganganib ding lumiit ang daluyan kung saan maaaring umagos ang mga ideyang tunay na nagmumula sa bayan. Kapag ang Filipino ay itinuturing na sapat na lamang sa mga unang yugto ng pag-aaral, tila ipinahihiwatig na sa pagdating sa kolehiyo sa larangan ng agham, batas, pilosopiya, teknolohiya, at pananaliksikโkailangan nang humiram ng ibang tinig upang maging โakademiko.โ Ngunit bakit kailangang maging banyaga ang wika upang maging malalim? Bakit kailangang lumayo sa sariling salita upang maging makabago? Ang Filipino ay hindi kulang na sisidlan ng karunungan. Ang tunay na hamon ay hindi ang kakayahan ng wika, kundi ang kakulangan ng pagkakataong gamitin, paunlarin, at pagyamanin ito sa mga larangang matagal nang ipinagkakait dito.
Buhay ang wika sa edukasyon dahil ito ang tubig na nagpapadaloy sa kaalaman. Sa pamamagitan ng wikang nauunawaan, ang aralin ay hindi lamang isinasaulo ito ay naiuugnay sa karanasan, nasusuri, at nagiging bahagi ng kamalayan. Ang wikang malapit sa mag-aaral ay hindi hadlang sa mataas na pag-iisip sapagkat maaari pa nga itong maging tulay upang ang mga komplikadong konsepto ay maging mas malinaw at makabuluhan. Kung nais nating makalikha ng mga mamamayang mapanuri at may malayang pag-iisip, hindi sapat na turuan silang sumagot sa wikang banyaga. Dapat din silang bigyan ng puwang upang magtanong, mangatwiran, tumutol, at lumikha gamit ang wikang nag-uugnay sa kanila sa lipunang kanilang ginagalawan.
Ngunit ang wika ay hindi lamang buhay sa edukasyon. Buhay ang wika sa kasaysayan. Bago pa man dumating ang mga mananakop, mayroon nang mga katutubong wikang nag-iingat sa mga alamat, paniniwala, batas, kaalaman, at tradisyon ng ating mga ninuno. Sa mga awit, salawikain, epiko, at sinaunang sistema ng pagsulat, dumaloy ang karunungang hindi hiniram sa ibang bayan. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay hindi nagsimula sa pagdating ng mga dayuhan sapagkat mayroon nang mga tinig ang kapuluan bago pa man ito tinawag na Pilipinas.
Nang dumating ang panahon ng kolonyalismo, hindi nanatiling tahimik ang wika. Sa mga nobela at sanaysay ni Josรฉ Rizal, sa Kartilya ng Katipunan ni Emilio Jacinto, sa mga pahayagang nagpalaganap ng mga ideya ng reporma at kalayaan, at sa mga panawagang nagbuklod sa mga Pilipino, ang salita ay naging higit pa sa kasangkapan ng komunikasyon. Naging sandata ito ng kamalayan. Hindi espada ang unang humiwa sa katahimikan ng pang-aapi kundi ito ay salita. Hindi bala ang unang gumising sa damdaming makabayan kundi salita. At hindi lamang dugo ang dumaloy tungo sa kalayaan, dumalo rin ang wika, sa mga pahina, sa mga lihim na pagpupulong, at sa mga sigaw ng bayang natutong kilalanin ang sarili.
Kaya paano natin hahayaang matuyo ang wikang minsang naging agos ng paglaya? Paano natin ituturing na pangalawa lamang ang wikang tumulong magbuklod sa mga mamamayang pinaghiwa-hiwalay ng kolonyalismo, heograpiya, at magkakaibang karanasan? Ang Filipino ay hindi lamang koleksiyon ng mga salita; ito ay sisidlan ng mga alaala, pakikibaka, pangarap, at pananaw ng sambayanan. Kapag pinahina natin ang puwang nito sa edukasyon, hindi lamang isang asignatura ang ating isinasantabi. Nanganganib din nating ilayo ang akademya sa mismong lipunang dapat nitong paglingkuran.
Hindi sapat na alalahanin ang Filipino tuwing Buwan ng Wika. Hindi sapat ang pagsusuot ng barong at Filipiniana kung sa araw-araw ay itinuturing naman nating mas mababa ang sariling wika sa mga larangan ng kaalaman. Hindi sapat ang pagbigkas ng โMahal ko ang wikang Filipinoโ kung ikinahihiya naman natin itong gamitin sa mga talakayang nangangailangan ng lalim at talino. Ang pagmamahal sa wika ay hindi dekorasyon. Hindi ito seremonyang minsan sa isang taon. Ito ay paggamit, pagtuturo, pagsusulat, pananaliksik, paglikha, at paninindigan.
Hindi namin hinihiling na alisin ang Ingles. Hindi namin hinihiling na isara ang Pilipinas sa mundo. Ang aming paninindigan ay higit na malinaw at ito ay huwag gawing kapalit ng pagiging global ang pagliit ng sariling wika. Hindi kailangang pumili sa pagitan ng pagiging makabago at pagiging Filipino. Maaari tayong matuto ng maraming wika habang pinauunlad ang sarili nating wika. Maaari tayong makipagsabayan sa pandaigdigang daloy nang hindi winawasak ang bukal na nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan. Maaari tayong makarating sa malalayong pampang nang hindi kinakalimutan ang ilog na nagdala sa atin doon.
Sapagkat ang wika ay hindi nabubuhay dahil lamang nakasulat ito sa batas o ipinagdiriwang sa isang buwan. Nabubuhay ito kapag ginagamit. Nabubuhay ito kapag itinuturo. Nabubuhay ito kapag isinusulat sa mga aklat at pananaliksik. Nabubuhay ito kapag pinahihintulutang humarap sa agham, teknolohiya, batas, kasaysayan, at pilosopiya. At unti-unti itong natutuyo kapag hinayaan nating manahimik sa mga espasyong dapat sanaโy pinayayabong nito.
Kaya kung tuyo ang dila, huwag natin itong hayaang manatiling uhaw. Ibalik natin ang mga salitang minsang nagpalaya. Hayaan nating muling dumaloy ang Filipinoโsa mga silid-aralan, sa mga aklat, sa mga pananaliksik, sa mga pampublikong talakayan, at sa bawat pusong Pilipino. Palawakin ang puwang nito, hindi bilang paglimita sa ibang wika, kundi bilang pagkilala na ang sariling wika ay may karapatang maging daluyan ng pinakamalalalim nating ideya.
Sapagkat ang wika ay tubig. At ang bayang hinayaang matuyo ang sariling bukal ay bayang nanganganib mawalan ng sariling anyo. Kaya hindi kami mananahimik. Hindi namin hahayaang maging palamuti lamang ang Filipino sa mga pagdiriwang ngunit banyaga sa sariling akademya. Hindi namin hahayaang manatiling uhaw ang dila sa wikang minsang nagmulat, nagbuklod, at nagpalaya sa bayan.
Habang may Pilipinong nagsasalita, nagtatanong, sumusulat, lumilikha, at naninindigan, patuloy na dadaloy ang wika. At habang dumadaloy ang wika, buhay ang edukasyon, buhay ang kasaysayan, at buhay ang bayan. Kaya huwag patuyuin ang wikang nagpalaya sa atin sapagkat sa bawat patak nito, naroon ang alaala ng ating pinagmulan at ang buhay ng ating kinabukasan.