03/07/2022
🧐
𝗜𝗧𝗜𝗡𝗔𝗧𝗔𝗚 𝗡𝗜 𝗝𝗢𝗦𝗘 𝗥𝗜𝗭𝗔𝗟 𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗔 𝗟𝗜𝗚𝗔 𝗙𝗜𝗟𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔
Ilang araw mula nang bumalik si José Rizal sa Pilipinas mula Hong Kong noong June 26, 1892, at matapos ang ilang serye ng kanyang pagpupulong kay Gobernador-heneral Eulogio Despujol kaugnay ng kanyang Borneo colonization project, at paglalakbay sa Gitnang Luzon, kanyang itinatag ang samahang La Liga Filipina sa tahanan ng Filipino-Chinese na si Doroteo Ongjunco sa Ilaya Street sa Tondo, Maynila noong July 3, 1892. Sa naturang pagpupulong ng mga makabayan at mason nang gabing iyon, ipinaliwanag niya ang mga layunin ng samahan. Ayon sa Saligang Batas ng La Liga Filipina, na kanyang isinulat at inilimbag sa Hong Kong, layunin nitong: (1) pagkaisahin ang buong Pilipinas; (2) pagtataguyod ng reporma; (3) pagbibigay ng suporta sa edukasyon, agrikultura, at komersyo; (4) paglaban sa anumang uri ng karahasan at di makatarungang gawain; at (5) pagbibigay ng proteksyon at tulong sa bawat kasapi.
Kabilang sa mga naging kasapi ng samahan ay ang abogadong si Apolinario Mabini (na noo'y nakatatayo pa) bodegerong si Andres Bonifacio, Ambrosio Rianzares Bautista, Pedro Serrano Laktaw, Domingo Franco, Ambrosio Salvador, Bonifacio Arevalo, Moises Salvador, at Deodato Arellano (bayaw ni Marcelo H. del Pilar). Ang sinumang mga Filipino na nagmamahal sa bayan ay maaaring sumapi sa samahan. Bawat kasapi ay magbabayad ng dalawang piso para sa membership, at buwanang bayad na sampung sentimo (2 centavos).
Hindi nagtagal ang samahan dahil ipinatapon si Rizal sa Dapitan noong July 6, 1892. Nang sumunod na araw, July 7, itinatag nina Bonifacio at Arellano ang Katipunan. Ang ilang kasapi naman, gaya ni Mabini, ay itinatag ang Cuerpo de Compromisarios na nagtustos sa pahayagang La Solidaridad.
Sanggunian:
Zaide, Gregorio. Jose Rizal Life, Works, and Writings of a Genius, Writer, Scientist, and National Hero