24/08/2026
Unti-unti nang nagsasara ang Agosto, ngunit hindi dapat isara kasama nito ang ating pagmamahal sa sariling wika at kultura.
Sapagkat kahit ilang araw mang mapuno ng ulap ang kalangitan, hindi nito kayang takpan ang kulay ng ating pagkakakilanlan.
Kahit ilang beses mang mapatigil ang mga gawain, hindi nito kayang patigilin ang mga kuwentong bumuo sa atin.
At kahit tuluyang matapos ang Agosto, hindi dapat matapos ang pagpapahalaga sa sariling atin.
Sapagkat ang wika ay hindi lamang para sa entablado, sa mga paligsahan, o sa mga pagdiriwang tuwing Agosto. Ito ay buhay. Naririnig sa kuwentuhan sa hapag-kainan, sa mga salitang unang itinuro sa atin ng ating mga magulang, sa mga kuwentong minana natin sa ating mga lolo at lola, at sa bawat salitang patuloy nating ipinapasa sa susunod na henerasyon.
Kaya sa huling linggo ng Agosto, hindi tayo basta nagpapaalam.
Nagpapatuloy tayo.
Patuloy sa paggamit.
Patuloy sa pag-alala.
Patuloy sa paglikha.
Dahil ang Agosto ay maaaring matapos, ngunit ang ating wika ay patuloy na magsasalita. Ang ating kultura ay patuloy na mabubuhay. At ang pagiging Pilipino ay patuloy nating isusulat, araw-araw. 🇵🇭✨