05/02/2013
ANGONO PRIVATE HIGH SCHOOL
TO THEE WE SHALL RETURN
Ligaya Tiamson Rubin
60th Foundation of Angono Private High School
Angono, Rizal
I
Gaya ng alam nating lahat ang gabing ito ay pagdiriwang natin ng ika-60 taon ng Angono Private High School. Ang Grand Reunion na ito ay nakabandera sa Social Network Sites tulad ng Facebook at Tweeter at sa Mass Media tulad ng Radyo, Telebisyon at Posters. Moment ito ng bawat isa sa atin at itinuturing nating isa sa pinakamahalagang okasyon ng ating buhay.
“ When all is said and done, to thee we shall return, for there is only one – Angono Private High School.”
Animnapung taon na nga pala ang APHS. Sa oras na to damang dama natin ang presensya ng ating Panginoong Diyos sa ating buhay, sa ating bayang Angono at sa ating Alma Matter.
Sa loob ng 60 taon damang dama natin ang pamumugad ng isang banal na diwa sa sinapupunan ng APHS. Ito ang gumabay sa ating mga kakayahan at pagkatao.
Dalawang artistikong imahen ang itinatak sa atin ng pag – aaral natin sa APHS, UGAT at PAKPAK. ROOTS and WINGS.
Pagkagraduate natin sa APHS nilipad natin ang buhay tungo sa katuparan ng ating tadhana o destiny.
At ngayon gabi ay nagbalik tayo sa ating UGAT.
May mga umalis at umani ng malalaking tagumpay sa kanilang pinuntahan. May mga naglakbay at nagpunta sa ibang panig ng Pilipinas, at sa apat na sulok ng mundo. At ngayon ay nagbabalik bitbit ang mga karangalan para sa APHS at sa bayan.
Ipinagdiriwang natin ang tamis ng mga gunita, ang mga memories ng ating high school days. Ang ating mga crush at puppy love, ang mga secret love o pag - ibig na kinimkim lang at hindi naipahayag at ang mga friendship na nabuo ng panahon yun na ang karamihan ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon.
May tuwa at kasiyahan sa gawad na tinatanggap natin ngayong gabi. Wala nang tatamis pa sa parangal na kaloob ng ating Alma Mater.
II
Taong 1958 nang magtapos kami sa Angono Elementary School. Nag - usap kami ng mga magulang ko, na katulad ng aking kuya, diko at sangko, sa Rizal High School sa Pasig ako mag – aaral. Pangarap kong sumakay sa jeep araw - araw sa pagpunta sa Pasig.
Hanggang isang hapon, may dumating sa aming tindahan sa Baraka na isang pangkat na teachers sa APHS at kinausap ang aking Inang at Atang. Natatandaan kong pinanood ko pa sila habang nag - uusap. Parang importante ang paksa nila. Subalit ang lakas ng kanilang tawanan.
Nalaman kong ang matangkad na babae ay ang Principal ng APHS na si Miss Liwayway G. Sanvictores. Kasama niya sina Miss Medina, Miss Junio, Miss Paz, Miss Villaluz, Mrs. Birco at Mr. Aguinaldo.
Hindi ko naman akalain na ang eksenang iyon ang babago sa desisyon ng aking mga magulang tungkol sa aking pag – aaral. Hindi na raw ako sa Rizal High School papa*ok kundi sa APHS na raw.
Ano po? At napaiyak pa ako. Bihirang tumalikod ang aming Atang sa ipinangako sa anak. Pagkatapos na makausap sina Miss Sanvictores at mga teachers ang APHS, natitiyak daw ni atang na kami ng mga kaeskwela ko ay malalagay sa mabubuting kamay sa Angono Private High School.
Dagdag pa niya, kapag dito raw ako nag – aral, higit kong makikilala ang aking bayan at ang mga tao at higit ko itong mamahalin.
Magkakaroon daw ako ng mga kaibigan na pawang mga taga – Angono, na magiging mga kaibigan ko hanggang sa tumanda kami.
Kaya puma*ok ako sa APHS ng labag sa aking kalooban. Bagamat kalaunan, aaminin kong isa pala ito sa pinakamagandang desisyon na ginawa ng aking Atang para sa akin.
III
Ang aming Batch ay puma*ok sa APHS noong 1958 at nagtapos noong 1962. Ang APHS ay nasa matandang bahay ni Lope Aguinaldo sa sentro ng Balite. Nakapwesto ito sa tatlong kalsada – Donya Aurora, E dela Paz at Quezon Avenue.
Ito ay may limang klasrum, may munting reading room at opisina ng Principal at mga Teacher.
Kapag may program, binubuksan ang dingding na humahati sa dalawang klasrum sa taas. Ang pinakagitna ang siyang center stage. Doon kumakanta, sumasayaw, tumutula at nagdadrama ang mga estudyante. Tulad ng minsang idrama namin ang buhay ni Dr. Jose Rizal, na si Marciano Blanco ang Rizal at ang Josphine Bracken ay ang salutatorian naming si Rosa Anorico.
Ang graduation ay sa plasa ginaganap. Doon nagpapap**ok ng kwitis si Miss Sanvictores para ipabatid sa bayan na malapit nang magsimula ang graduation.
In APHS, the name of the game is PUNCTUALITY. Kapag sinasabing alas siete sisimulan ang graduation, sisimulan talaga ito ng alas siete, may graduation speaker man o wala. Sa kasalukuyan, ang tawag sa punctuality ay CALENDAR INTEGRITY.
Ang flag ceremony ay doon idinaraos sa harap ng APHS, across the street na ngayon ay may tanim na puno ng Balite at may imahen ni San Roque, kasama ang kanyang a*o.
Sa kumpas ni Miss Sanvictores, tumitigil ang mga sasakyan habang inaawit ang “ LUPANG HINIRANG.”
In APHS, the name of the game is DISCIPLINE. Ang mga nale – late sa flag ceremony ay iniipon sa isang lugar at pinakakanta. Ang hindi sumama sa parada ng APHS, pinapaparada ni Mam sa buong paligid ng palengke.
Kahanga – hanga ang sense of humor ni Miss Sanvictores at ng mga teachers. Napakalakas pa nilang tumawa. Subalit mahigpit sila sa pagpapatupad ng mga patakaran ng eskwelahan.
Bawal manigarilyo. Bawal magsugal. Bawal magbulakbol. Bawal ang cheating. Bawal ang maingay at hindi nakikinig sa klase. Bawal ang tamad. Chine – check ang notebook kung ginagawa ang mga takdang aralin.
Istrikto at disciplinarian si Miss Sanvictores. Umiikot siya na parang pulis militar sa paligid, hanggang sa baybay ng ilog. May dala siyang patpat na parang mamamalo pero hindi naman.
Ang playground namin ay ang gilid ng kalsada ng palengke. Doon kami naglalaro ng patintero. Ang lider namin ay ang valedictorian naming si Norma Sanchez. Tawa kami ng tawa lalo na kapag napapasadsad kami sa kanal.
Kapag vacant period naman namin sa umaga, isinasama kami ng classmate naming si Tessie Saguinsin sa bahay nila na nasa tabi ng palengke. Ini – invade namin ang kusina nila. Kinakain namin ang natira nilang kanin at ang kanilang hilabos na hipon, paksiw na ayungin o sinigang na kanduli. Nangunguha rin kami ng kamyas at alatiris.
Ang kantina namin ay ang tindahan ni Kuya Nano Reyes. May tinda siyang goto, miswa, pansit, p**o at mache. Sa kainang table kami gumagawa aming mga assignment. Lalo na ang mga buod ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Sa papag ng Ate Elena Roan may nagtitinda ng bibingka sa bilao. Sa unang vacant period pa lang naming kumakain na agad kami at sarap na sarap kami. Hindi rin namin pinaliligtas ang tumatapat na Dirty Ice Cream. Kahit noon, kami talaga ay pangkat KAIN.
Wala pang tricycle noon at lalong walang school bus. Napakalapit ng APHS sa mga bahay namin.
Kami nina Hatek at Tindeng Reyes ay bumibili ng tubo sa tindahan sa daan at namamangos kami habang naglalakad sa kalsada. Bumibili rin kami ng inihaw na mais o nilagang saging na saba.
Sumisilip kami sa studio ni Botong Francisco dahil minsan may mga bisita siyang celebrity tulad nina Manuel Conde, Mario Montenegro at Manila Mayor Tony Villegas. Kaeskwela namin ang anak ni Botong na si Rodolfo at teacher namin ang sister niyang si Mam Tessie Villaluz na siyang kinukunan namin ng maraming kwento tungkol kay Botong.
Required ang Philippine Military Training o PMT. Doon nagmamartsa ang mga Boys sa open space ng palengke. Nakasuot sila ng Fatigue Uniform. Talagangn mukha silang mga Teen – ager na sundalo na may sukbit na mahabang baril na kahoy.
Wala kaming school uniform pero lahat ng girls ay naka – dress. May mga boys na minsan ay halos ma – late sa klase dahil nagpakain pa ng mga itik. Diumano, may nakadikit pang hipon at maliliit na suso sa lupi ng kanilang pantalon.
Boys and girls ay nakabakya. Sosyal ka kapag ikaw ay naka - Japanese slippers o naka – shoes. Bawal ang maingay sa pag – akyat sa hagdang kahoy kaya hinuhubad na lang tuloy ang bakyang suot at binibitbit para sa tahimik na pag - akyat.
Wala pang telepono sa Angono noon. Nanginginig pa ang mga kamay namin ng una kaming gumamit ng telepono sa Bunye Building ng Juan Sumulong sa Taytay.
Ang sinehan noon ay Star Theater. May nagbigay sa amin ng pases sa sine, kaya libre ang panonood namin. Nanonood kaming mga girls kahit ano ang pelikula. Kahit hindi namin abutan ang simula. Kahit di namin matapos.
Minsan may pinanood kaming eksena na ang trak ay nakabara sa snow. Hindi makausad – usad. Ubod ng boring. Ubod ng dragging. Walang kaganda - ganda. Halos natulog kaming lahat sa sinehan. Tawa kami nang tawa tuwing pagkukwentuhan namin ito.
Kapag may shooting ng pelikula, suguran kami para makakita ng artista tulad nina Ric Rodrigo, Leopoldo Salcedo, Eddie Gutierrez at Nida Blanca.
Big news sa bayan nang kunan ng mga litrato si Amalia Fuentes sa Sapang Dulangan. Nakasandig siya sa malaking bato na may lumalagaslas na tubig. Naging cover ito ng Sunday Times Magazine at project na project ang ganda ng Sapang Dulangan.
Paminsan – minsan, kaming magkakaeskwela ay doon sa Sapang Dulangan nagpipiknik. Maraming kakaibang halaman, mga ibon, kulisap at mga hayop ng gubatan.
IV
Sa pagtatapos ng dekada 50 at pagsisimula ng dekada 60, napakapastoral ng Angono. May dagat at ilog, bundok at gubat, tumana at bukid. Simple ang pamumuhay. Karamihan sa mga lalaki ay magsasaka, mangingisda, mag – iitik at mamumukot. Meron din namang mga propesyonal at mga negosyante.
Subalit kahit ano ang estado ng pamumuhay, nagkakaisa ang lahat ng mga magulang sa pangarap na pag – aralin ang kanilang mga anak upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Kaya lang, wala ni isang High School noon sa Angono. Para makapag – aral ang isang estudyante, kailangan pang bumiyahe papuntang Pasig.
Paano kapag may ulan, baha at bagyo? Kapag ginagabi sa daan dahil nasiraan ang jeep? O kapag maraming proyekto sa school? Kapag bumabarkada na pala at nagbubulakbol, kay layo sa mata ng mga magulang. Paano ang mahihina ang katawan na hindi kaya ang araw – araw na pagbibiyahe.
V
Kaya nagdiwang ang maraming magulang sa paglitaw ng Angono Private High School. Ito ang Pioneer High School ng bayang nananabik magkaroon ng malapit na eskwelahan na hindi kailangang gumasta ang mga magulang para sa pasahe at pagkain ng kanilang mga anak.
Lubhang kapuri – puri ang mga taong naglatag at bumuo ng mission, vision at goals, na itayo sa pusod ng Angono ang isang affordable na school na malapit lang at di na kailangang magbiyahe. Kahit kulang sa facilties ang APHS noong panahong iyon. Walang school canteen, malaking library, playground, audio visual room, gym at stage. Ginamit na lamang ang facilties ng paligid tulad ng Gym ng munisipyo at open space ng palengke sa sistemang GAWA PARAAN.
Ano ang maging epekto ng mga kakulangan at mga Gawa Paraan na ito sa mga estudyante ng APHS? Kusang naging INNOVATIVE at CREATIVE, IMAGINATIVE at RESOURCEFUL. Natutong maghanap at bumuo ng mga paraan sa buhay, ano man ang mga kakulangan.
Natutong mag – adjust sa ano mang uri ng sitwasyong dumarating. Natutong tumayo sa sariling mga paa at manindigan sa mga kinapapaloobang sistema. Naging mga survivor na malakas ang fighting spirit at hindi nagpapatalo sa mga salimuot ng buhay.
Tinuruan ng APHS ang mga estudyante nito na mamuhay na intact ang mga values – punctuality, discipline, integrity at nagkaroon ng pagsisikhay tungo sa pag – angat. Sa pag-asenso ng mga tao, umaasenso ang bayan.
Tinuhog at pinagkaisa ng APHS ang puso at damdamin ng mga estudyante nito.
Ang pare - parehong mga karanasan sa iisang lugar, ang magkakamukhang sitwasyon ng buhay araw – araw, ang mga pagbibigkis ng mga kaisipan at emosyon, ito ang “MAGIC” ng APHS kung kaya bonding na bonding ang magkakaeskwela at magkakibigan.
Sa lahat ng aming mga pinagdaanang magkakaeskwela, kami ay patuloy na nagtutulungan kahit wala na kami sa APHS. Patuloy kaming nag – uugnayan kahit may sari – sarili na kaming pamilya. Patuloy kaming nagbabonding at nag rereunion. Nagkukwentuhan, nagsasayawan, nagtatawanan, tuwing nagkikita. Kahit kami mga lolo at lola na, nagpaparlor games pa kami, na sina Patricia Blancaflor at Bobby Reyes ang coordinators. May grupong “Killers” ang mga boys may “Dragonnets” ang mga girls.
Kapag nagrereunion kaming magkakaeskwela, hinahanap naming ang ibang mga wala. Sa iba’t ibang panahon, nasa abroad sila o sa malalayong panig ng Pilipinas – Josefina Gonzaga, ang Miss Angono Private High School na mula sa aming batch at Josefina Reyes. Marciano Blanco, at Patricio Orca. Adelberto Reyes at Ernesto Pitogo. Lerma Tiamson at Lucila Gragera. Isabel Intalan at Rosa Anorico. Lina Bautista at Mercy Merced. Exequiel Tolentino at Bilog Malinay. Joven Gil at Constancio Roan.
Kapag nagtuturista si Miss Sanvictores, may nakakatagpo siyang mga alumni ng APHS sa abroad. Ngunit hindi niya kayang hanapin at bisitahin ang napakaraming mga Alumni ng APHS na nakakalat sa apat na sulok ng daigdig at doon hinahabi ang katuturan ng kanilang buhay. Doon ginagamit ang mga natutunan sa APHS.
Ang iba ay naging mga pinuno ng pamahalaan – kongresista, mayor, vice - mayor, kapitan, konsehal, kagawad.
May mga naging general at kompositor, artista ng bayan, teachers, principal, supervisor, manunulat, doctor, dentista, abugado, alagad ng simbahan, engineer at mga empleyadong sandigan ng kompanya.
Salamat sa mga taong nagtatag ng APHS. At sa kanilang vision para sa edukasyon ng mga kabataan ng Angono. Salamat sa aming mga g**o at adminstrador. Salamat sa mga magulang na dito kami pinag – aral. Salamat sa lokal na pamahalaan sa suportang ipinagkakaloob nito sa APHS.
Higit sa lahat , salamat sa PANGINOONG DIYOS sa pagpapala niya sa APHS sa loob ng nagdaang anim na dekada.
“When all said and done, to thee we shall return for there is only one, ANGONO PRIVATE HIGH SCHOOL.”
“TO GOD BE THE GLORY.”