26/11/2020
BASAHIN | DepEd, pahihintulutan lamang ang face-to-face classes sa utos ng Pangulo, IATF
Nobyembre 26, 2020 – Papayagan lamang ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pagsasagawa ng face-to-face (F2F) classes kapag ito ay pinayagan at ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ipinahayag ito ni Kalihim Leonor Magtolis-Briones sa ginawang virtual press briefing sa Malacañang noong Martes, at kanya ring nilinaw na mananatili ang polisiya ng gobyerno na walang magaganap na face-to-face classes.
“Hanggang ngayon, iyon ang policy [no face-to-face classes] ng President [at] hindi pa niya binabago,” ayon kay Kalihim Briones.
Bagamat pinag-aaralan ng DepEd ang posibleng pagpapatupad ng limitadong face-to-face classes sa susunod na taon, ito rin ay kung papayagan ng Opisina ng Pangulo.
“We are preparing a report for the President on our current experience with the opening of classes, at klaro naman na kung magkaroon ng face to face, it will be very limited to areas which are absolutely safe, there will be conditions from the Department of Health; there will also be conditions coming from us. Hindi po lahat-lahat, [hindi] sabay-sabay iyan na mag-face to face, kung payag si President” paglilinaw ni Kalihim Briones.
Binigyang-diin din ni Kalihim Briones na ang pagpapatupad nito ay magagawa lamang ayon na rin sa magiging rekomendasyon ng Department of Health at ng national COVID-19 task force sapagkat ang mga ahensiya ring ito ang siyang responsable sa pagsusuri ng sitwasyong pangkaligtasan sa mga lugar sa Pilipinas.
“At saka, depende sa approach iyan kasi iyong number of students, etc. So we are [also] now looking into that. But uulitin ko, definitely not this year at definitely walang mga arrangements right now with kung sinumang mga grupo na magpi-face to face at this time because the President has not made any pronouncement at all. Pero [patuloy kaming] magri-report kami sa kaniya,” saad ni Kalihim Briones.
Samantala, matapos ang isinagawang konsultasyon sa mga education stakeholders, nakatakda na magbigay ng ulat ang Kagawaran tungkol sa pagbubukas ng klase noong Oktubre 05, 2020.
Ipinag-utos din ng Kalihim ng Edukasyon ang pag-aaral sa reconceptualizing ng learning spaces post-COVID, hindi lamang ng mga silid-aralan, kun’di pati ng mga tahanan, community spaces, at virtual space.
Ibinahagi rin ni Secretary Briones sa press briefing ang mga tulong at suporta para sa mga pribadong paaralan at mga g**o nito, ang probisyon sa kakailanganing kagamitan ng mga probinsiyang tinamaan ng bagyo, at ang adjustments sa taong panuruan.