01/07/2022
KRW9,620 (PHP407) kada oras ang magiging bagong minimum hourly wage sa Korea simula sa Enero 1, 2023. Ito ay 5% pagtaas mula sa kasalukuyang hourly wage na KRW9,160 (PHP388).
Ito ay matapos magkasundo-sundo nitong Myerkules (Hunyo 29) nang gabi ang mga kaanib ng Minimum Wage Commission na binubuo ng tig-siyam na myembro mula sa bawat sektor ng trabaho, negosyo at publiko. Umasa ang mga taga-sektor ng trabaho sa KRW10,000 (PHP424) na rate ngunit hindi ito napagbigyan dahil sa mga peligrong kasalukuyang kinakaharap ng ekonomiya ng Korea.
Base sa bagong minimum hourly wage, papatak sa KRW2,010,580 (PHP85,000) ang magiging pinakamababang buwanang sahod sa bansa ng isang full-time na trabahador. Ito rin ang pinakamababang ligal na pasahod, labas pa ang mga maaaring bonus at allowance, sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga pabrika at sakahan sa Korea sa ilalim ng Employment Permit System (EPS) simula sa susunod na taon.
SOURCE: Yonhap, Joongang Ilbo