03/08/2026
𝗦𝗮 𝗜𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗛𝗶𝗺𝗶𝗴: 𝗥𝗙𝗡𝗦𝗛𝗦 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗱𝗶𝗿𝗶𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗔𝗦𝗘𝗔𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟲
Isinulat ni: 𝘑𝘶𝘭𝘪𝘢𝘯𝘯𝘢 𝘓𝘦𝘹𝘪𝘯𝘦 𝘉. 𝘔𝘦𝘤𝘪𝘫𝘢
May mga araw na tila nais pigilan ng ulan ang bawat hakbang, ngunit may diwang hindi kailanman mapipigil ng anumang unos. Sa gitna ng makulimlim na kalangitan, hindi lamang patak ng ulan ang umalingawngaw sa Rodolfo CG Fariñas Jr. National Science Highschool (RFNSHS), kundi maging ang mga tinig ng mag-aaral na nagsama-sama sa iisang layunin—ang ipagdiwang ang pagkakaisa ng mga bansang bumubuo sa Timog-Silangang Asya.
𝗜𝗸𝗮-𝟯 𝗻𝗴 𝗔𝗴𝗼𝘀𝘁𝗼, 𝟮𝟬𝟮𝟲, ginunita ng paaralan ang 𝗔𝗦𝗘𝗔𝗡 𝗠𝗼𝗻𝘁𝗵 𝗖𝗲𝗹𝗲𝗯𝗿𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝟮𝟬𝟮𝟲 sa temang “𝙉𝙖𝙫𝙞𝙜𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙊𝙪𝙧 𝙁𝙪𝙩𝙪𝙧𝙚, 𝙏𝙤𝙜𝙚𝙩𝙝𝙚𝙧.” Bagama’t hindi naging pabor ang panahon, hindi ito naging hadlang upang maisakatuparan ang programa. Sa halip, na nagtipon sa isang lugar, isinagawa ang programa sa bawat silid-aralan. Mula sa iba’t ibang bahagi ay sabay-sabay na umalingawngaw ang “𝘼𝙎𝙀𝘼𝙉 𝘼𝙣𝙩𝙝𝙚𝙢” 𝙖𝙩 “𝙊𝙣𝙚 𝙑𝙞𝙨𝙞𝙤𝙣, 𝙊𝙣𝙚 𝙊𝙘𝙚𝙖𝙣,”na nagsilbing paalala ng pagkakaisa at pagkakaibigan ng mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang aktibidad ay alinsunod din sa Memorandum ng Department of Education na nagmungkahi sa lahat ng pampublikong paaralan na awitin ang The ASEAN Way sa lahat ng Flag Raising Ceremonies sa buong buwan ng Agosto bilang bahagi ng paggunita sa ASEAN Month. Nakiisa rin ang paaralan sa sabayang espesyal na Flag Raising Ceremony ng DepEd bilang hudyat ng opisyal na pagbubukas ng pagdiriwang sa buong bansa. Sa bawat liriko ay tila naipinta ang hangaring bumuo ng isang pamayanang nagtutulungan at nagkakaisa.
Higit pa sa isang simpleng pag-awit, naging pagkakataon din ang pagdiriwang upang pagnilayan ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagiging bahagi ng isang rehiyong may magkakaibang kultura, tradisyon, at wika. Ibinahagi rin ang tema ng ASEAN 2026, “𝙉𝙖𝙫𝙞𝙜𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙊𝙪𝙧 𝙁𝙪𝙩𝙪𝙧𝙚, 𝙏𝙤𝙜𝙚𝙩𝙝𝙚𝙧.” na sumasalamin sa sama-samang pagkilos ng mga bansang kasapi tungo sa isang mas matatag, inklusibo, at maunlad na kinabukasan. Sa kabila ng mga pagkakaibang ito, nananatiling iisa ang layunin—ang mapanatili ang kapayapaan, paggalang, at sama-samang pag-unlad ng bawat bansang kasapi. Hindi rin nagpadaig ang mga mag-aaral sa makulimlim na kalangitan. Sa halip, pinuno sila ng sigla at pakikiisa, na tila ang bawat tinig ay nagsasabing walang ulan ang kayang pumigil sa pagdiriwang ng pagkakaisa.
Sa bawat awitin at bawat pusong nakiisa, muling naipakita na ang tunay na diwa ng ASEAN ay hindi lamang nababasa sa mga aklat o naririnig sa mga talumpati. Ito ay naisasabuhay sa bawat pagkilos, pakikinig, at pakikilahok ng mga kabataang handang maging katuwang sa paghubog ng isang mas matatag at mas nagkakaisang kinabukasan.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang, nanatiling malakas ang mensahe ng temang “Navigating Our Future, Together.” Sapagkat tulad ng mga bansang bumubuo sa ASEAN, ang bawat taga RFNSHS ay may mahalagang papel sa paglalayag tungo sa isang kinabukasang pinapatatag ng pagkakaisa, paggalang at pagtutulungan, mga pagpapahalagang hindi kailanman kayang tangayin maging ng pinakamalakas na ulan.
📷: Faculty members