21/07/2025
𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚̀ | 𝐃𝐢𝐫𝐞𝐤𝐭𝐨𝐫 𝐧𝐠 𝐈𝐒𝐔-𝐒𝐖𝐊, 𝐌𝐮𝐥𝐢𝐧𝐠 𝐈𝐧𝐢𝐦𝐛𝐢𝐭𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝐔𝐬𝐚𝐩𝐚𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚
𝐓𝐔𝐆𝐔𝐄𝐆𝐀𝐑𝐀𝐎 𝐂𝐈𝐓𝐘 – Muling inimbitahan ngayong araw ng 95.7 XFM Tuguegarao sa programang headshot ni Katropang Larry si Ginoong Mark Jhon R. Prestoza, Direktor ng Isabela State University—Sentro ng Wika at Kultura, upang talakayin ang mga gagawing paghahanda sa darating na Taunang Buwan ng Wika. Tampok ang Tertulyang Pangwika 2025 na may temang "Paglinang ng Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa".
Sa pagsisimula, tinanong ni Katropang Larry kung ano ang tema at kabuluhan nito. Ayon kay Ginoong Prestoza, "Ngayong taon, ang tema ng Buwan ng Wika ay 'Paglinang ng Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa'. Ang temang ito ay isang pagpupugay sa mahalagang papel ng wika hindi lamang bilang kasangkapan sa komunikasyon kundi daluyan ng pambansang identidad, kolektibong alaala, at pagkakaisang panlipunan".
Binigyang-diin ng Direktor ang matibay na batayang legal ng Buwan ng Wika. Inilahad niya ang Proklamasyon Bilang 1041 s. 1987 na nilagdaan ni Fidel V. Ramos, na ang buwan ng Agosto ay Buwan ng wikang Pambansa. Dagdag pa niya, "Layunin nito na maisulong ang mas malawak na kamalayan sa kahalagahan ng wikang Filipino at katutubong wika bilang pundasyon ng pambansang identidad".
Binigyang-diin ng Direktor ang Paglinang ng wika sa kasalukuyang panahon lalo na sa panahon ng globalisasyon. Sinabi niya, "Sa panahon ng globalisasyon, digitalisasyon, at lalong malawak na interkultural na ugnayan, higit na kinakailangang bigyang-diin ang paglinang sa wikang Filipino at sa mga katutubong wika". Idiniin niya na ang mga ito ay hindi lamang simpleng kasangkapan sa komunikasyon kundi napananatili natin ang kolektibong identidad bilang may iisang diwa.
Ayon pa rin sa Direktor, naipapakita natin ang paglinang ng ating kultura at wikang Filipino. Sinabi niya, "Ang wika ay pundasyon ng inklusibong edukasyon, partisipasyong sibiko at karapatang pantao para sa pagtataguyod ng pambansang pagkakaisa, pagkakapantay-pantay at makabuluhang demokrasya".
Kaugnay nito, upang makatugon ang ISU-SWK sa panawagan ng temang ito, sinabi ng Direktor, "Isa sa pinakapangunahing tugon ng aming tanggapan ay ang pagsasagawa ng Bannuar:Tertulyang Pangwika. Isa itong birtuwal na plataporma ng diskursong panayam o forum na naglalayong pagtibayin ang kaalaman ng g**o, mananalikisk at tagapagtaguyod ng wika".
Idinagdag pa niya, "Sa pamamagitan ng mga sesiyon kasama ang mga kilalang linggwista, iskolar, at tagapagtanggol ng wika sa pagsasabuhay ng praktika at teorya." Binigyang-diin niya rin ang SWK ay patuloy na isinusulong ang pananaliksik, publikasyon, at gawaing kultural na nagbibigay halaga sa lokal at rehiyonal na wika.
Sinig**o ng Direktor ng ISU-SWK sa publiko na ang Bannuar: Tertulyang Pangwika ay hindi lamang karaniwang selebrasyon kundi isang makabuluhang espasyo ng diskurso, edukasyon, at pagbabahaginan ng pananaw. Inisa-isa ng Direktor ang maaaring asahan ng publiko kabilang ang sistematikong talakayan, serye ng panayam, pampublikong forum, at paglagda ng unawaan ng ISU at KWF.
Kaya mensahe ng Direktor, "Ang mga inisyatiba ay patuloy na kikilos tungo sa iisang adhikain. Ang wikang Filipino at katutubong wika ay mananatiling buhay, makapangyarihan, makasaysayan sa pagbubuo ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino".
𝙋𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙞𝙗𝙖 𝙥𝙖𝙣𝙜 𝙙𝙚𝙩𝙖𝙡𝙮𝙚 𝙖𝙩 𝙢𝙜𝙖 𝙞𝙣𝙞𝙨𝙮𝙖𝙩𝙞𝙗𝙖 𝙣𝙜 𝙄𝙎𝙐 - 𝙎𝙚𝙣𝙩𝙧𝙤 𝙣𝙜 𝙒𝙞𝙠𝙖 𝙖𝙩 𝙆𝙪𝙡𝙩𝙪𝙧𝙖, 𝙗𝙪𝙢𝙞𝙨𝙞𝙩𝙖 𝙨𝙖:
https://sites.google.com/isu.edu.ph/tanggapan-ng-isu-sentro-ng-wik/simula
| | |