05/12/2025
𝐓𝐚𝐥𝐚𝐬 𝐧𝐠 𝐈𝐬𝐢𝐩 𝐚𝐭 𝐓𝐚𝐥𝐞𝐧𝐭𝐨 𝐧𝐠 𝐈𝐧𝐝𝐢𝐛𝐢𝐝𝐰𝐚𝐥, 𝐈𝐩𝐢𝐧𝐚𝐦𝐚𝐥𝐚𝐬: 𝐈𝐬𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐬𝐚𝐥𝐮𝐝𝐨 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐍𝐚𝐠𝐰𝐚𝐠𝐢
Ni Judy Ann Villaraza
Ang bawat sulok ng paaralan ng Magallanes National High School ay napuno ng makabuluhang pagpapamalas ng talento at talas ng isip ng bawat indibidwal na mag-aaral sa pamamagitan ng mga aktibidad na 𝐖𝐨𝐫𝐝 𝐎𝐥𝐲𝐦𝐩𝐢𝐜𝐬, 𝐐𝐮𝐢𝐳 𝐁𝐞𝐞, 𝐚𝐭 𝐒𝐧𝐚𝐩𝐥𝐢𝐭 noong Disyembre 1, 2025.
Isinagawa ang aktibidad na Word Olympics sa pangunguna nina Ma’am Princess Renalyn R. An at Ma’am Janelle Pranada. Limang grupo—Black, Red, Orange, Blue, at Violet—ang buong siglang lumahok. Binigyan ang bawat grupo ng mga titik na nagsilbing gabay upang makabuo ng pinakamaraming salita.
Nabuhay ang talas ng isip ng bawat indibidwal at naging daan ang pagtutulungan upang makakuha ng pinaghirapang puntos. Sa tuwing may nabubuong salita, umaalingawngaw ang malakas na hiyawan, na nagpapakita ng hindi lamang dagdag kaalaman kundi ng matibay ring samahan.
Sa Computer Laboratory naman isinagawa ang patagisan ng talino sa pamamagitan ng Quiz Bee na pinamumunuan nina Ma’am Irish Maulawin at Ma’am Rodalyn Gabriel. Sama-samang sinagot ng bawat grupo ang mga katanungang ibinato sa kanila. Ang mga kalahok ay nagmula sa iba’t ibang grade level, na nagbigay ng mas makulay at masiglang paligsahan ng talino at determinasyon.
Kasabay nito ang pagpapamalas ng indibidwal na galing sa aktibidad na Snaplit, kung saan ang mga kalahok ay kumuha ng mga makabuluhang larawan na sumisimbolo sa kahalagahan ng pagbasa. Bawat indibidwal ay nagtuon ng pansin sa mga visual na nagpapakita ng kahalagahan ng kaalaman at patuloy na pagkatuto.
Ang bawat ginanap na aktibidad ay nagsilbing tulay patungo sa mas mayabong na pag-asa para sa ating mga mag-aaral. Ipinakita ng bawat indibidwal ang kanilang kahusayan, at sa pagtatapos ng unang araw, isang panibagong pagkakaibigan at inspirasyon ang nabuo sa buong komunidad ng MNHS.
𝐈𝐬𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐚𝐢𝐧𝐢𝐭 𝐧𝐚 𝐩𝐚𝐠𝐛𝐚𝐭𝐢 𝐚𝐭 𝐩𝐚𝐠𝐩𝐮𝐩𝐮𝐠𝐚𝐲 𝐚𝐧𝐠 𝐚𝐦𝐢𝐧𝐠 𝐢𝐩𝐢𝐧𝐚𝐩𝐚𝐚𝐛𝐨𝐭 𝐬𝐚 𝐥𝐚𝐡𝐚𝐭 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐧𝐚𝐠𝐰𝐚𝐠𝐢 𝐚𝐭 𝐥𝐮𝐦𝐚𝐡𝐨𝐤! Ang inyong determinasyon at pusong handang matuto ang tunay na nagpatingkad sa pagdiriwang na ito. Kayo ang buhay at pag-asa ng aming paaralan.